Home NATIONWIDE ‘High-quality, durable materials’ para sa infra projects inihirit ni PBBM

‘High-quality, durable materials’ para sa infra projects inihirit ni PBBM

MANILA, Philippines- Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules ang lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan na iprayoridad ang kalidad, kaligtasan, at pagiging matibay ng mga materyales na gagamitin para sa infrastructure projects.

Ibinigay ng Pangulo ang direktiba sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), Department of Trade and Industry (DTI), at iba pang kaugnay na ahensya habang binigyang-diin ang pangangailangan na itulak ang ‘climate at disaster resilient infrastructure’ na maaaring matagalan ang natural calamities.

“Alam nating palakas nang palakas ang mga bagyo at palaki nang palaki ang pinsalang iniiwan nito. Kaya naman, ipinapatupad na natin ang mga makabagong disenyo para sa ating mga kalsada, para sa ating mga tulay,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa naging pagbisita nito sa Legazpi City sa Albay.

“Sa DPWH, DOTr, DTI, at iba pang ahensya ng pamahalaan, tiyakin ninyong de-kalidad, ligtas, at matibay ang mga materyales na gagamitin sa pagpapatayo ng mga imprastraktura natin. Sa gayon, magtatagal at maaasahan ito anuman ang panahon,” dagdag niya.

Isinasaalang-alang ang pagtaas ng dalas at lakas ng mga bagyo, hangad ni Pangulong Marcos ang pagpapairal ng bagong disensyo ng mga lansangan at tulay.

Muling pinagtibay ni Pangulong Marcos ang kahandaan ng administrasyon para sa kalamidad, binigyang-diin ang commitment nito na palawigin at paghusayin ang lahat ng hakbang para paigtingin ang pagsisikap laban sa potensyal na epekto ng climate change.

“Sa bawat ahensya ng pamahalaan, paigtingin ninyo lalo ang inyong pagsusumikap nang sa gayon ay higit nating mapaghandaan ang mga posibleng epekto ng pagbabago ng klima,” ang winika pa ni Pangulong Marcos.

“Hindi tayo magpapatinag sa mga trahedyang ito; bagkus, palalawigin pa natin ang ating paghahanda at bibilisan ang ating pagkilos upang mapigilan ang pag-ulit ng ganitong epekto ng mga kalamidad,” dagdag niya.

Muli namang inulit ni Pangulong Marcos ang kanyang direktiba sa DPWH na balikan at muling tingnan ang Bicol River Basin Development Program, bilang detalyadong engineering design para sa programa na inaasahang magsisimula sa 2025.

Hangad din ng Chief Executive ang pagtutulungan ng publiko upang matiyak na wala “no one is left behind.”

“Kaya’t sa pagkakataong ito, hinihikayat ko ang bawat ahensya ng pamahalaan at ang bawat Pilipino: Magtulungan tayo upang matiyak na walang maiiwan sa ating laban kontra sa mga hamong dulot ng pagbabago ng klima,” ang sinabi ni Pangulong Marcos. Kris Jose