Home NATIONWIDE PCIC nagbigay ng P24.4M indemnity checks sa Kristine-hit farmers sa Bicol

PCIC nagbigay ng P24.4M indemnity checks sa Kristine-hit farmers sa Bicol

MANILA, Philippines- Nagbigay ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC), isang government insurance company sa ilalim ng Department of Agriculture, nitong Miyerkules ng inisyal na P24.4 milyong halaga ng insurance payments sa libo-libong magsasakang Bicolano na apektado ng pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine.

Ipinamahagi ang indemnity checks ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga apektadong magsasaka sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. sa Bicol Region, kung saan pinangunahan din ng huli ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.

Inatasan ni Tiu Laurel ang PCIC na agad na ipalabas ang indemnification payments upang tulungan ang mga magsasaka na agad na makabangon sa kalamidad.

“We need to equip our farmers and fisherfolk with financial resources to help them quickly get back on their feet, to recover from this disaster brought about by climate change,” pahayag niya.

Ayon kay PCIC President JB Jovy Bernabe, ang distribusyon ng indemnity checks ay alinsunod sa “government’s commitment to support the farmers in the countryside by providing insurance protection and financial assistance through indemnities to help farmers recover from setbacks and continue to contribute to the country’s food security and economic growth.”

Nakapagbigay ang PCIC ng indemnification checks sa 2,644 magsasaka sa mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate at Sorsogon.

Samantala, tiniyak ni Bernabe na ipagpapatuloy ng PCIC ang pagproseso sa insurance claims ng mga apektadong magsasaka. Batay sa initial assessment ng ahensya, papalo ang indemnification payments sa hindi bababa sa P666.5 milyon. RNT/SA