Home NATIONWIDE Gatchalian: ‘Kristine’-hit families tutulungang makabangon ng DSWD

Gatchalian: ‘Kristine’-hit families tutulungang makabangon ng DSWD

MANILA, Philippines- Nangako si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Miyerkules na magbibigay ng anumang uri ng tulong sa mga pamilya at indibidwal sa Bicol region hanggang tuluyan silang makarekober mula sa pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine (international name Trami).

Inihayag ito ni Gatchalian sa media interview sa pagsama niya kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbisita nito sa flood-hit Camarines Sur upang pangasiwaan ang pamamahagi ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families at ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program ng DSWD sa mga apektadong pamilya at indibidwal.

“Nandun na tayo sa recovery, meaning alam natin na habang kinukumpuni ng mga tao, they are going back to their normal lives, kailangan pa rin nating bigyan ng suportang pagkain kasi nga bumabalik pa lang sila sa normal scene,” pahayag ng opisyal.

Nasa 5,000 benepisyaryo ang makatatanggap ng tig-P10,000 sa ilalim ng AKAP Program ng DSWD sa lalawigan ng Camarines Sur.

Sa kasalukuyan, nakapamahagi na ang DSWD ng humanitarian assistance na nagkakahalaga ng P875.29 milyon sa mga pamilyang apektado ni Kristine at Super Typhoon Leon sa bansa.

Ipinagpapatuloy din ng departamento ang pagdaragdag ng family food packs sa warehouses sa buong bansa upang suportahan ang hiling mula sa local government units. RNT/SA