Home NATIONWIDE Higit 1,000 gun ban violators, timbog!

Higit 1,000 gun ban violators, timbog!

MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na mahigit isang libong indibidwal ang naaresto nito sa paglabag sa gun ban na umiiral para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na 1,063 gun ban violators ang nadakip hanggang nitong Huwebes, Setyembre 28.

Sa bilang na ito, 1,017 ang sibilyan habang ang iba ay mga miyembro ng law enforcement, security guards, at elected government officials.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 650 firearms.

“Itong mga datos natin sa ban of firearms ay hindi lamang sa Comelec checkpoints nahuhuli. Kasama na rin diyan ang mga suspects na subject natin sa police operations,” ani Fajardo sa isang panayam.

Kasado ang election period at pagbabawal sa pagdadala ng mga armas mula August 28 hanggang November 29.

Isasagawa ang 2023 BSKE sa Oktubre 30. RNT/SA