Home NATIONWIDE Higit 10K ‘di rehistradong sasakyan huli ng LTO noong Hunyo

Higit 10K ‘di rehistradong sasakyan huli ng LTO noong Hunyo

MANILA, Philippines – Mahigit 10,000 na mga sasakyan ang nahuli sa buong bansa nitong Hunyo sa ilalim ng “No Registration, No Travel” policy ng Land Transportation Office (LTO).

Sa pahayag nitong Lunes, Hulyo 1, sinabi ng LTO na nasa 10,461 sasakyan ang nahuli noong nakaraang buwan kung saan 9,212 ang naisyuhan ng traffic violation tickets habang 1,601 na mga sasakyan naman ang na-impound.

Karamihan sa mga nahuli ay mga motorsiklo sa 6,824, sinundan ng mga tricycle sa 1,787, private vans sa 954, private sedans sa 451 at mga trak sa 230.

Multang P10,000 ang naghihintay sa mahuhuli sa “No Registration, No Travel.”

Ilan sa mga nahuling mga sasakyan ng LTO ay ginagamit sa pamamasada nang walang kaukulang permit.

“Patunay lang ito na hindi titigil ang inyong LTO hangga’t hindi narerehistro ang lahat ng sasakyan dahil ito ay hindi lang obligasyon sa gobyerno bilang kapalit ng pagmamay-ari ng sasakyan kundi para sa kaligtasan ng lahat dahil ang kasama sa pagpaparehistro ang pag-inspect roadworthiness,” sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza.

“Your LTO commits to the Filipino people that we will be aggressive in the campaign against colorum vehicles and unregistered motor vehicles because this is part of our mandate, which is to ensure that all road users are safe,” dagdag pa niya. RNT/JGC