MANILA, Philippines- Mahigit 22,000 foreign workers mula sa ipinagbawal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) industry ang nakaalis na ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2024, ayon sa Bureau of Immigration (BI) official sa Senate panel nitong Huwebes.
Dahil dito, lumabas na 11,000 sa 33,863 registered foreign POGO workers ang nananatili sa Pilipinas.
“So yung mga natitira ho dito na non-compliant, yan po yung subject of our law enforcement operations,” pahayag ni BI chief legal officer Arvin Santos sa Senate Committee on Games and Amusements.
Sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) sa panel na bago ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipagbawal ang POGOs, mayroong 42 internet gaming licenses, pitong gaming content providers, at 11 support providers sa industriya.
Kanselado na umano lahat ng lisensya ng mga kompanyang ito, base kay Pagcor Assistant Vice President for Offshore Gaming Licensing Department Jessa Mariz Fernandez.
“As of January 1, 2025 po, all 42 internet gaming licensees and all 18 authorized providers are already canceled po,” pahayag ni Fernandez.
Inihayag naman ni Pagcor Senior Vice President for Security and Monitoring Cluster Raul Villanueva sa panel na ang mga naiwan ay nagsasagawa ng “guerrilla” operations.
“We have plenty of targets now because some of these have gone on guerrilla operations already,” wika ni Villanueva.
Ani Villanueva, nakatanggap sila ng emails mula sa concerned citizens na nagrereklamo ukol sa POGOs.
Ayon pa sa Pagcor, nakapag-ulat sila ng halos 276 illegal websites, kinabibilangan ng e-sabong, online casino games, at iba pang may kaugnayan sa POGO. Subalit, 136 pa lamang ang na-block.
Ipinagbawal ni Marcos ang POGOs noong nakaraang taon matapos itong maugnay sa ilegal na aktibidad tulad ng kidnapping, online scams, human trafficking at torture. RNT/SA