Home NATIONWIDE Higit 200K indibidwal apektado ng Habagat – NDRRMC

Higit 200K indibidwal apektado ng Habagat – NDRRMC

MANILA, Philippines- Nararamdaman na ngayon ng 200,000 katao sa buong bansa ang epekto ng masamang panahon dulot ng habagat.

Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ngayong araw ng Martes, Hulyo 16, ipinalabas ng alas-8 ng umaga, sinabi nito na 93,743 pamilya, binubuo ng 221,435 indibidwal, sa 363 barangay ang nakaranas ng malakas na ulan, pagbaha at iba pang epekto ng southwest monsoon, o tinatawag na habagat.

Sa kabuuan, may 21,464 indibidwal ang inilikas; 20,026 ang tumuloy sa 46 evacuation centers (ECs) sa buong bansa habang 1,378 ang nanatili sa labas ng ECs.

Sinabi rin ng NDRRMC na binaha ang Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa mga nakalipas na mga araw.

Tinuran pa ng NDRRMC na nakatanggap ito ng report na may dalawang katao ang namatay at dalawa naman ang sugatan habang isa ang nawawala dahil sa epekto ng habagat. Gayunman, napag-alaman at napatunayan na isa mula sa dalawang katao ang naiulat na namatay.

Idagdag pa rito, sinabi ng NDRRMC na winasak ng habagat ang P17,879,687 halaga ng pananim na labis na nakaapekto sa 238 magsasaka at mangingisda, hanggang nitong Hulyo 16.

Samantala, sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na naging bagyo na ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) malapit sa bansa.

Ang bagyo ay huling namataan 1,100 kilometers sa kanluran ng Central Luzon.

Ang lakas na hangin nito ay 45 kilometers per hour at bugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

Kasalukuyan din itong kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.

Nabanggit ng PAGASA na may mino-monitor silang kumpol ng kaulapan o tinatawag na “cloud clusters” na nasa bahagi ng Mindanao. Kris Jose