MANILA, Philippines – Nakakumpiska ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 21,500 loose firearms at nakaaresto ng humigit-kumulang 9,000 katao sa buong bansa mula Enero ngayong taon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., magpapatuloy ang operasyon sa ilalim ng bagong tatag na Special Task Force on the Disbandment of Private Armed Groups (STF-DPAGs).
“Lumilipat tayo mula sa structure-heavy patungo sa mission-focused policing. Ang pangunahing layunin natin ay buwagin ang mga private armed groups at kumpiskahin ang mga baril na nagdudulot ng karahasan at kawalang-kaayusan,” ani Nartatez.
Dagdag niya, may 7,759 baril na boluntaryong isinuko para sa safekeeping bilang bahagi ng kampanya para sa responsableng pagmamay-ari ng baril.
Pangungunahan ni Lt. Gen. Edgar Alan Okubo ang bagong task force na tututok sa pagtukoy, pagdi-disarma, at pagbuwag sa mga private armed groups sa koordinasyon ng mga regional at provincial police office. Santi Celario