Home NATIONWIDE Higit 21K dayuhan nag-downgrade na ng visa – BI

Higit 21K dayuhan nag-downgrade na ng visa – BI

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na nasa mahigit 21,000 dayuhang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang nag-downgrade ng kanilang visa mula nang ipahayag ang pagbabawal sa operasyon nito noong Hulyo.

Ayon kay Atty. Pio Rodulfo III, Attorney III mula sa BI Legal Division, na may kabuuang 21,757 dayuhang manggagawa ng POGO ang nag-downgrade ng kanilang mga visa, kung saan 10,821 dito ang umalis na ng bansa.

Nauna rito, binigyan ng hanggang Oktubre 15, 2024 ang mga dayuhang manggagawa ng POGO para i-downgrade ang kanilang 9G visa sa tourist visa kasunod ng pagbabawal sa operasyon ng POGO. Mahigit 12,000 ang nag-apply para sa pag-downgrade noong nakaraang buwan.

Nabatid na ang pag-downgrade ng visa ay magbibigay-daan sa mga dayuhan na ibalik ang kanilang status mula sa work visa tungo sa isang temporary visitor visa, na magbibigay-daan sa kanila na legal na magtrabaho sa Pilipinas sa loob ng 59 na araw.

Matatandaan na ipinagbawal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng POGO noong Hulyo matapos masangkot ang ilang negosyo sa mga krimen, kabilang ang human trafficking, serious illegal detention, at money scam.

Sa unang bahagi ng buwang ito, naglabas si Marcos ng Executive Order No. 74 na nagsasaad na ang pagbabawal sa mga POGO at mga lisensya sa paglalaro sa internet ay dapat sumasaklaw sa mga illegal offshore gaming operations, mga aplikasyon ng lisensya, pag-renew ng lisensya, at pagtigil ng mga operasyon.

Isang interagency din ang itinatag na binubuo ng BI, Department of Justice, DOLE, at iba pa upang pangasiwaan ang pagsasara ng mga POGO at tulungan ang mga apektadong manggagawa.

Sa pagbanggit ng datos mula sa PAGCOR at Department of Labor and Employment, naunang napag-alaman ng Department of Finance na mayroong 66,547 na empleyado ng POGO sa bansa noong 2023.

Karamihan sa mga empleyadong ito o 41,347 ay mga dayuhan, habang ang natitirang 25,200 ay mga Pilipino. Jay Reyes