INDIA – Isang eroplano ng Air India na patungong London ang bumagsak ilang minuto matapos mag-take off mula Ahmedabad noong Hunyo 12, 2025, na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 290 katao—ang pinakamatinding sakuna sa eronautika sa loob ng isang dekada.
Ang eroplano, sakay ang 242 pasahero at crew, ay bumagsak sa isang medical college hostel habang oras ng pananghalian, at kabilang sa mga nasawi ang mga estudyante at dating Gujarat Chief Minister Vijay Rupani.
Isa sa nakaligtas ang nagkuwento na nakarinig siya ng malakas na ingay 30 segundo matapos ang paglipad bago ang pagbagsak. Patuloy ang rescue efforts at may ilang nasa ospital. Kinokolekta ang DNA upang makilala ang mga biktima.
Nagpadala ng Mayday call ang eroplano bago ito mawalan ng komunikasyon.
Ang aircraft ay nasa ilalim ng command nina captain Sumeet Sabharwal at kanyang first officer na si Clive Kundar. Si Sabharwal ay may 8,200 hours ng karanasan, habang nasa 1,100 hours ng flying experience ang mayroon si Kundar.
Napansin ng mga imbestigador na nakababa ang landing gear, na hindi pangkaraniwan sa yugtong iyon ng flight.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad ng India at U.S., kasama ang Boeing at GE Aerospace.
Ito ang unang crash ng Dreamliner at ang unang malakihang aksidente sa eroplano sa India mula 2020. Bahagyang nagbalik-operasyon na ang paliparan sa Ahmedabad. RNT