MANILA, Philippines – SINABI ng National Amnesty Commission (NAC) na mahigit sa 2,000 rebelde ang nag-apply para sa amnestiya.
Nagpaalala ang NAC na ang deadline para sa aplikasyon ay sa March 2026.
Sinabi ni NAC chairperson Leah Tanodra-Armamento na karamihan sa amnesty applicants ay naghahangad ng safe conduct pass (SCP).
“Yung applicants as to the amnesty, we have as of April 21, we have a total of 2,006. Most of the applicants are asking for the safe conduct pass,” ang sinabi ni Tanodra-Armamento sa Bagong Pilipinas Ngayon.
Nauna rito, pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang NAC na magpalabas ng SCPs sa mga dating rebelde na naghahangad na mag-apply para sa amnestiya.
Sa ilalim ng Memorandum Order No. 36, pinahihintulutan ang NAC na magpalabas ng SCPs para sa mga amnesty applicants mula sa Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade, Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front, Moro Islamic Liberation Front, at Moro National Liberation Front.
Ani Pangulong Marcos, ang pagpapalabas ng memorandum order ay patunay na ang pamahalaan ay nakahanda na magbigay ng tulong sa mga dating rebelde na nagnanais na magbalik-loob sa batas at gobyerno subalit nag-aatubili na mag-apply para sa amnestiya dahil sa kasong isinampa laban sa kanila.
Sinabi pa niya na magsisimula nang magpalabas ang NAC ng safe conduct passes sa mga dating combatants na nahaharap sa arrest warrants.
“Previous to the issuance of the President, ang safe conduct pass na authority namin cannot stand against the warrant of arrest. At ang sabi naman sa amin ng mga pulis, hindi naman pwede hindi i-serve ang warrant of arrest, otherwise, ma-ma-contempt naman kami ng court. So we have to restrain in giving that safe conduct pass,” ang sinabi naman ni Tanodra-Armamento.
“So there is a directive from the President to cooperate and support the safe conduct pass and for the Department of Justice prosecutor to either file a motion or not object to the motion to suspend the proceedings before the court,” aniya pa rin.
Ang paalala naman ng NAC sa mga rebelde ay mag-apply ng amnestiya sa lalong madaling panahon.
“Hinihikayat namin ang mga rebelde na hindi pa nakapag-apply pa ng amnesty, mag-apply na po kayo ngayon, kasi hanggang March 20b26 ang deadline for application,” ang winika ni Tanodra-Armamento. Kris Jose