MANILA, Philippines – Mahigit 3,300 indibidwal na ang stranded sa ibat-ibang pantalan sa bansa bunsod ng bagyong Enteng.
Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, kabuuang 3,383 pasahero, truck drivers at cargo helpers ang stranded sa ibat-ibang daungan sa Southern Tagalog, Western Visayas, Bicol, at Eastern Visayas regions.
Karamihan sa mga nastranded ay naiulat sa Eastern Visayas na may 1,966, sinundan ng Bicol na may 963, Western Visayas na may 389, at Southern Tagalog na may 65.
Nastranded din ang 47 vessels, 718 rolling cargoes, at tatlong motor banca. Samantala, 35 sasakyang pandagat at 16 na motor banca ang sumilong sa iba pang daungan.
Mula alas-12 ng madaling araw hanggang alas 4 ng madaling nitong Lunes, mayroong 2,413 indibidwal na stranded sa Southern Tagalog, Bicol at Eastern Visayas.
Ayon sa PAGASA, ang bagyong Enteng ay nasa layong 115 kilometro hilagang-silangan ng Infanta, Quezon o 85 kilometro silangan timog-silangan ng Baler, Aurora, kumikilos pahilaga hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras kaninang alas-11 ng umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden