MANILA, Philippines- May kabuuang 7,086 katao ang humingi ng medical assistance habang sila ay bumoboto sa May 3025 midterm elections, ayon sa Philippine Red Cross (PRC).
Sa isang update, sinabi ng PRC na sa kabuuang bilang ng mga pasyente, anim ang dinala sa ospital, 14 ang major cases, 117 ang minor cases, habang 6,949 ang nagpasuri ng vital signs.
Ang mga naospital ay nakaranas ng panghihina ng katawan, chest pain, dizziness, pananakit ng ulo, laceration at kakapusan sa paghinga.
Kabilang sa mga itinuturing na pangunahing kaso ay nakaranas ng seizure, nahimatay, inatake ng hika, pagkawala ng malay, lagnat, at pagsusuka.
Samantala, ang minor cases ay nakaranas ng pananakit ng tiyan, abrasion, pananakit ng dibdib, pagkahilo, hirap sa paghinga, hypertension, nahimatay, pagkahapo sa init, laceration, nosebleed, pangangapos ng hininga, pamamaga, at pagsusuka.
Upang makapagbigay ng tulong medikal sa mga botante, nagtalaga ang PRC ng 2,260 na boluntaryo, 291 first aid stations, 178 ambulansya, 85 welfare desk, at 15 na sasakyan sa buong bansa.
Inilagay ang PRC stations sa mga eskwelahan na magsisilbi bilang polling centers bukod sa iba pang lugar.
Isang 65-anyos na lalaki naman ang iniulat na nasawi sa mismong araw ng halalan matapos mawalan ng malay sa loob ng polling precinct sa Oas, Albay.
Nakaranas ng pagkahilo ang senior citizen at dinala sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital sa Ligao City ngunit dineklarang dead on arrival. Jocelyn Tabangcura-Domenden