MANILA, Philippines- Sinira ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni PCOL Melecio Buslig, Jr., ang mahigit P600,000 halaga ng ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics sa isinagawang sabay-sabay na disposal activity ngayong araw sa QCPD ground, Camp Karingal, Sikatuna Village, Quezon City.
Ang pagkawasak ay pinangunahan nina PCOL Roman Arugay (ADDO), PCOL Joel Villanueva (CDDS), PLTCOL Edgar Batoon (OIC, DMFB), at PLTCOL Vicente Bumalay (OIC, DOD). Pinangasiwaan ito ng mga tauhan mula sa Explosive and Ordnance Division (EOD) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Kaugnay nito, sa kabuuan, 55 operasyon na isinagawa ng 16 istasyon ng pulisya at iba’t ibang unit ng QCPD ang nagresulta sa pagkakakumpiska ng P657,282 halaga ng ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics. Ang mga operasyong ito ay isang mahalagang bahagi ng pinaigting na kampanya ng QCPD upang labanan ang pagbebenta at paggamit ng mga ilegal na paputok at tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng Kapaskuhan.
Samantala, kabilang sa mga nakumpiskang ipinagbabawal na paputok ay ang Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-Pla, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb (Super Lolo), Mother Rockets (Boga), Small Judas Belt, Kwitis, fountains ng iba’t ibang laki, Leopard King Pacquiao, Kingkong, Sputnik Gold, at Improvised Boga.
Nabatid sa QC police ang mga bagay na ito ay nasamsam dahil sa paglabag sa Republic Act 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices) at Ordinance No. SP-2618, S-2017, na nagbabawal sa paggamit ng firecrackers at pyrotechnic device sa lahat ng pampublikong lugar sa loob ng Quezon City.
“Ang aktibidad na ito ay bunga ng dedikasyon ng ating mga police station at units, katuwang ang iba’t ibang ahensya tulad ng Bureau of Fire Protection, at sa suporta ng QC-LGU sa pangunguna ng ating minamahal na Mayor Josefina ‘Joy’ Belmonte malaki rin ang papel na ginampanan ng mga force multipliers at iba pang stakeholders na nakipagtulungan sa QCPD para matiyak na maiwasan ang anumang major injuries na dulot ng ipinagbabawal. na paputok,” pahayag ni PCOL Buslig, Jr. Santi Celario