Home NATIONWIDE Higit P16M cash nasabat sa NAIA

Higit P16M cash nasabat sa NAIA

MANILA, Philippines – HIGIT P16 milyon cash ang naharang ng mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) makaraang hindi ito ideklara ng isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, noong Miyerkules, Enero 22.

Nabatid sa OTS, nasa USD273,905 o may kayumbas na higit P16 milyon cash ang hindi idineklara ng isang pasahero na papunta sanang Hong Kong.

“X-ray operator Yvonne Dujali was conducting the usual security screening at the baggage make up area when she noticed an opaque image on the X-ray monitor,” saad ng OTS sa kanilang social media page.

Sinabi ng OTS na para kumpirmahin ang mga laman ng bagahe, tinawagan nila ang pasahero sa pamamagitan ng airline para personal na masaksihan ang manual inspection.

Nadiskubre ang mga bundle ng pera sa panahon ng inspeksyon, na nag-udyok sa mga screener ng OTS na tumawag sa mga tauhan mula sa Philippine National Police-Aviation Security Group, at nakipag-ugnayan din sila sa Bureau of Customs para sa kanilang tamang disposisyon.

Pinaalalahanan ng OTS na ang mga manlalakbay ay kinakailangang magdeklara ng foreign currency na lampas sa USD10,000 at Philippine peso na lampas sa 50,000. JR Reyes