Home NATIONWIDE Higit P5.9M pekeng grocery products nadiskubre sa establisyimento sa Valenzuela

Higit P5.9M pekeng grocery products nadiskubre sa establisyimento sa Valenzuela

2
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 1,279 kahon ng hinihinalang counterfeit o pekeng produkto, na may tinatayang halagang ₱5,949,200.00, ang nadiskubre at isinuko matapos ang isinagawang post-audit at ocular inspection sa isang grocery products trading establishment sa Valenzuela City, napaulat kahapon, Agosto 25.

Alas-10:30 ng umaga nang magsagawa ng inspeksyon ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, kasama ang mga kinatawan ng isang food manufacturing company, kaugnay ng reklamong kanilang natanggap hinggil umano sa pamemeke ng kanilang produkto.

Sa isinagawang inspeksyon, natukoy ang malaking bilang ng mga produktong pinaniniwalaang peke o counterfeit na naging daan upang kumpiskahin ang mga ito ng kinatawan ng kumpanyang nagreklamo at nakatakdang sumailalim sa kaukulang proseso para sa destruction o disposal, alinsunod sa mga umiiral na patakaran at pamamaraan.

Samantala, nagbigay ng area security ang mga tauhan ng Valenzuela City Police Station, kabilang ang SWAT, Station Intelligence Section at Sub-Station 2, katuwang ang mga tauhan ng District Intelligence Division ng Northern Police District, sa ilalim ng pangangasiwa nina PMAJ Randy M Llanderal, Assistant Chief of Police for Operations, at PCOL Joseph G Talento, Chief of Police, VCPS.

Ayon kay PCOL Talento, mahalaga ang kooperasyon ng mga negosyo at publiko sa pagtukoy at pag-uulat ng mga produktong pinaghihinalaang peke o hindi awtorisado.

“Hinihikayat natin ang publiko na maging mapanuri sa mga produktong kanilang binibili. I-check ang packaging, label, seal, at iba pang identifying marks, at i-report agad sa mga kinauukulang awtoridad ang ano mang kahina-hinalang produkto.”

Dagdag pa niya, mahalaga rin na ang mga negosyo ay tiyaking lehitimo at mula sa awtorisadong sources ang kanilang mga produkto, upang maprotektahan hindi lamang ang kanilang negosyo kundi higit sa lahat ang mga mamimili.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Valenzuela City Police Station sa Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela at iba pang concerned agencies upang mapanatili ang seguridad ng publiko at makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng mga pekeng produkto sa komunidad. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here