Home NATIONWIDE Walang pagkaantala sa pagpapalabas sa ‘senior citizens’ benefits- Malakanyang

Walang pagkaantala sa pagpapalabas sa ‘senior citizens’ benefits- Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang sa mga lolo’t lola na hindi maaantala ang kanilang government benefits.

Sa katunayan, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang resolusyon sa mga reklamo na may kinalaman sa P10,000 cash gifts sa ilalim ng Expanded Centenarian Act.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang mga reklamong inihain sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) ay nakarating na sa Pangulo, kung saan inatasan ang mga kinauukulang ahensiya na tugunan ang usapin.

“Ito po ay nakarating sa Pangulo at kailangan po talaga maibigay kung ano ang benepisyo na dapat ibigay sa ating mga elderlies lalung-lalo na iyong mga senior citizens dahil iyan naman po ay talagang kailangang maipaabot sa kanila nang mas mabilis at sa mabilis na pamamaraan,” anito.

Nauna rito, nagsampa ng reklamo nitong Lunes, Agosto 24 sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang ilang senior citizen sa Quezon City laban sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) dahil sa pagkaantala ng P10,000 cash gift na dapat nilang matanggap pagdating sa edad na 80, 85, 90 at 95.

Sa mga reklamong inihain sa ARTA, nagpahayag ng matinding pag-aalala ang walong senior citizen mula sa Barangay Marilag dahil sa matagal na pagkaantala. Sinabi nila na ayaw nilang maranasan ang sinapit ng ilan nilang kaibigan na namatay nang hindi natatanggap ang kanilang cash gift.

Ang mga nagreklamo, na nasa edad 80 hanggang 85, ay nagsabing ayon sa mga pag-aaral, ang isang taong umabot sa edad na 80 ay maaari pang mabuhay ng average na mahigit walong taon depende sa kasarian, kapaligiran at kalusugan.

Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Marilag Senior Citizens Association (MSCA) sa mabagal at hindi maayos na pagpapatupad ng Expanded Centenarian Act (ECA).

Ang MSCA ay isang organisasyong kumakataw sa mahigit 1,000 senior citizens.

Ayon sa pangulo nitong si veteran journalist Ben Rosario, ang patuloy na pagkaantala sa pagbibigay ng benepisyo ay maaaring sumira sa layunin ng batas — ang parangalan ang mga nakatatandang Pilipino at mabigyan sila ng makabuluhang tulong mula sa gobyerno sa mahahalagang yugto ng kanilang buhay.

Dagdag pa ng organisasyon, ang patuloy na paghihintay at kawalan ng katiyakan sa tulong pinansiyal ay maaaring magdulot ng dagdag na stress at makaapekto sa kalusugan at kalidad ng buhay ng mga senior citizen.

“The ECA cash gift is not merely P10,000. For many senior citizens, it represents recognition, dignity and the assurance that the government remembers them,” pahayag pa ng MSCA.

Ani Castro, inendorso ng ARTA ang mga reklamo sa Committee on Anti-Red Tape of the National Commission of Senior Citizens (NCSC) noong Agosto 25.

Isang clarificatory meeting sa hanay ng ARTA, NCSC, concerned local government units, at mga nagrereklamong lolo’t lola ang nakatakda sa Agosto 28.

“Hindi po kinakailangan patagalin ang mga tulong na dapat naman pong maibigay nang mas mabilis na paraan,” aniya pa rin. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here