Home OPINION HINDI KAYA NG ‘BAGMAN’

HINDI KAYA NG ‘BAGMAN’

NOONG mga nakalipas na linggo, pinaghuhuli ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga kolektor na umano’y gumagamit sa pangalan ni Philippine Nation Police chief P/Gen Rommel Francisco Marbil.

Meron pa ngang kolektor na kusang loob na lumutang sa takot na siya man ay hulihin din kaya naman itinuga na niya kung sino ang nag-utos sa kanya at kung kanino niya inire-remit ang pera.

Biglang tumahimik o nawala ang isyu pero hindi naman naringgan si PNP chief na “no take policy” siya sa mga iligal na nagsulputan na pinagkukunan ng “yaman” ng mga pulis.

Ang dahilan pala ay pinalitan lang ang mga dating kolektor at ang pumalit  bilang pangkalahatan ay hindi gaanong bihasa dahilan kung kaya kumuha rin siya ng mga galamay na tutulong sa kanya.

Pero dahil marami ang kumikilos para sa koleksyon, hindi umabot sa inaasahan at sa inilatag na dapat para sa mga “amo” kaya nagka-hetot-hetot na ang koleksyon.

Ngunit bago ang problema sa koleksyon, lakas loo bang “bagman” o pangkalahatang kolektor na magbigay ng “go” signal sa mga iligalista na maglatag sa mga lugar sa Metro Manila lalo na sa Maynila dahil kaya naman niyang back-upan.

Ang masaklap, “no take policy” si National Capital Region Police Office PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. kung kaya’t panay ang pasalakay nito sa mga tauhan ng Regional Intelligence Division at Regional Special Organized Group.

Bigla tuloy nagapos ang operasyon ng ilang iligalista sa Kamaynilaan dahil hindi sila tinitigilan ng NCRPO at maging ng ilang mamamahayag.

Ngayon, tila susuko na ang “bagman” dahil hindi niya kaya. Kaya naman ang boss nito ay biglang pina-standby ang dating pangkalahatang kolektor na maayos ang koleksyon at walang kaingay-ingay.