
MARAMING reklamo na akong naririnig kaugnay alkalde ng bayang aking pinagmulan. Ang naririnig ko ay pawang reklamo mula sa mga dating kakampi niya.
Kaya nga, panawagan lang kay Balayan, Batangas Mayor JR Fronda na may nalalabi pang mga buwan para paghusayin mo ang serbisyong ipinagkakaloob mo sa mga mamamayan na nagtiwala sa iyo at sa iyong kakayahan.
Huwag mong isipin na dahil hawak mo ang mga barangay captain na iyong pinamudmuran ng salapi ay maipananalo na ng mga ito ang iyong asawa na siyang kandidato ngayon para pumalit sa pwesto mo.
Ay, dyan ka nagkakamali. Mulat na mulat ang mga tao sa Balayan sa mga maling ginawa mo at ng mga kasama mo sa partido. Hindi na pinagkakatiwalaan ng mga ito ang mga salitang bibitiwan mo at maging ng kandidato mo bilang alkalde.
Palagay mo ba Mayor Fronda, tinitingnan ka pa nila bilang mapagkakatiwalaan at may isang salitang opisyal ng pamahalaan?
Ako? Hindi mapalagay. Paano nga kasi, marami ka nang tinalikurang tao na hindi mo tinulungan pero pinaasa lang. Maraming kapitan ng barangay ang nagkapera dahil sa iyong suporta sa kanilang mga katarantaduhan.
Ngayon, panay-panay ang kampanya mo sa mga barangay na tangkilikin ang iyong asawa. Ipinararaan mo sa mga cabeza de barangay. Ang masaklap, ginagamit ninyo ang TUPAD at AICS.
O, hindi ba totoo na may mga tinanggal na benepisyaryo ng TUPAD at AICS sa dalawang barangay sa Balayan na sumalubong sa ibang kandidato sa Kongreso na kalaban ng pinanigan ninyo?
Ay, bakit nga pala tinalikuran n’yo o hindi na sinuportahan si incumbent 1st District Rep. Eric Buhain? Di ba ninong ninyong mag-asawa sa kasal ang butihin mambabatas? Ninang nyo sa kasal ang asawa niyang si dating Rep. Eileen Ermita Buhain?
Dahil mas maraming pera at namumudmod ang kalaban ng mga ito? Ay, nakalulungkot. Wala talaga palang maaasahan sa iyo. Pera-pera lang ba ang laban dyan sa Balayan? Walang prinsipyong kasali sa usapan?