
NASA 11 Pinoy sa Vancouver, Canada ang namatay makaraang sadyang managasa ang isang Canadian sa kanila gamit ang isang sports utility vehicle.
Mahigit 20 naman ang itinakbo sa siyam na ospital, kasama ang mga may seryosong sugat gaya ng baling buto o nadurugan ng mga paa at iba pang parte ng katawan.
Maaari umanong madagdagan ang bilang ng mga namatay dahil seryoso sa kalagayan ng ilan sa mga nasugatan.
SIRAULO AT HINDI TERORISTA
Isang Kai-Ji Adam Lo, 30, isang residente sa lugar na pinangyarihan ng krimen sa Vancouver ang suspek at kinasuhan na ito murder para sa walo katao ngunit madaragdagan pa ang kaso batay sa kalalabasan ng imbestigasyon.
Hindi naman umano terorismo ang naganap kundi gawa ng taong may problema sa pag-isip.
May mga kaso umano si Lo sa rekord ng pulisya at mga awtoridad sa kalusugan ngunit hindi nila dinedetalye ito.
Basta dumating si Lo sa lugar dakong pasado alas-8:00 ng gabi at makaraang makabangga ng tao sa una, pinaharuruot na umano nito ang sasakyang niyang Audi SUV at inararo ang mga nakalinyang food truck na roon na may mga bumibili at kumakain.
Nadamay ang mga bumibili at nagtitinda at pati ang mga naglalakad dahil kapistahan ni Lapu-Lapu ang araw na iyon na dinaluhan ng mahigit 100,000 katao sa maghapon.
Isang bayani si Lapu-Lapu na ipinagdiriwang doon, lalo na ang petsang pagtalo ng pwersa nito kay Ferinand Magellan noong Abril 1521 at pumigil sa pagsakop ng mga Kastila sa Pilipinas sa loob ng 40 taon.
Lahat ng Pinoy sa Vancouver na halos 39,000 ang nakisaya sa kapistahan ngunit naging madugo at malungkot sa kalaunan.
TULONG-TULONG LAHAT
Sa ngayon, kumikilos na ang embahada at konsulado ng Pilipinas para tulungan ang mga biktima, kasama ang mga awtoridad ng Canada.
Sana, makamit agad ang hustisya lalo’t napigil ng mga Pinoy at iba pa ang suspek na nagtangkang tumakas at nakapiit na ito sa istasyon ng pulisya.
Ang pamahalaang Pilipinas, hindi lang hustisya kundi aktuwal na tulong sa mga namatayan at nasugatan ang mabilis nilang asikasuhin para sa mga biktima.
Dapat din nitong intindihin ang mga pamilyang nasa Pilipinas at umaasa sa mga biktima.
Tiyak na walang matatanggap na remittance sa Pilipinas ang mga pamilyang naulila ng mga nasawi o nawalan ng trabaho at kita sa kanilang pagkakasugat at pagkakaospital.
WALANG PINOY SA MAGKAKASUNOD NA MASAKER?
Kung walang Pinoy na nadadamay sa magkakasunod na masaker sa iba pang mga bansa, magpasalamat tayo ngunit nakikidalamhati tayo sa mga biktima.
Halimbawa, 26 na puro turista ang minasaker ng mga militante sa Pahalgam, Kashmir na sakop ng India.
Sa ngayon, dalawa o tatlong bahay ng mga nakilalang may gawa ng masaker ang pinasabog o ganap na sinira ng mga sundalo ng India at walang nakaaalam ang kasunod nito.
May 50 Kristiyanong minasaker naman Christian village sa Plateau State sa Nigeria nitong nagdaang Linggo ng Pagkabuhay.
Habang pinapatay sila sa baril at palakol., isinisigaw ng mga killer ang Allahu Akbar o God is Great.
Sana hindi mangyari ang lahat ng ito sa Pilipinas kong mahal.