Home OPINION HINDI NATUTUTO SA PAGSUNOD SA BATAS

HINDI NATUTUTO SA PAGSUNOD SA BATAS

KATATAPOS lang na makapatay ng isang motorcycle rider ang isang ama na tsuper ng isang SUV sa kalsadang sakop ng Antipolo City, Rizal.

Hindi malinaw na sa atin kung paano ang nangyari at makaraang maka-overtake ‘yung rider, hinabol ng naka-SUV ang rider.

Sa isang lugar sila huminto at pagbaba nila ng kanya-kanyang sasakyan, nagsuntukan sila ngunit mukhang higit na naging agresibo ang naka-SUV.

May umawat naman na isang rider at nasangkot na rin sa gulo habang lumalabas na tila nagbi-video ang misis ng naka-SUV.

May mga sumigaw ngang nasa paligid na awatin sila.

Ngunit nang bumunot na ng baril ang naka-SUV, wala nang lumapit para umawat.

At dito na tila inubos ng taga-SUV ang lahat ng kanyang bala.

Tinamaan ang nakaaway niyang rider, ang umawat na isang rider at mismong misis niya.

Noong una, serious physical injury ang ikinaso ng pulisya sa naka-SUV.

Pero nitong huli, binago ang kaso sa kasong pagpatay.

Kung ano ang mga tunay na pangyayari, sa trial ng kaso sa korte malalaman.

Sa ngayon, kanya-kanya pa ang katwiran ang mga nasasangkot sa krimen at maging ang oberbasyon na nakita sa mga videro na lumabas na pinagkunan natin ng impresyon ay maaaring mabago pa.

‘Yun bang === walang nakatitiyak kung sa huli ay mapapawalang-sala o magiging guilty ang nakapatay.

Maghintay na lang tayo ng magiging hatol ng hukuman diyan na maaring aabot sa Supreme Court.

Batay sa tagal ng mga kasong ganyan sa mga hukuman, kung masipag ang mga magkakalabang-panig na mag-apela, maaaring sa loob ng 3-5 taon malalaman ang hatol ng Supreme Court.

Pero maaaring mapadali ang kaso kung maisipan ng mga magkakalabang panig na mag-aregluhan…kung papayag ang hukuman diyan.

BAWAL MAGDALA NG BARIL

Sa panahong ito ng halalan, malinaw sa lahat na bawal magdala ng baril.

Malinaw na malinaw dahil paulit-ulit itong ginagawa, maging sa mga halalang pambarangay at Sangguning Kabataan.

Ayon sa pulisya, lisensyado ang baril ng naka-SUV ngunit walang permi to carry firearm outside residence.

Maaaring dito klaro sumabit ang naka-SUV.

Mula sa pangyayaring ito, marami talaga ang hindi natututo sa pagsunod sa batas.

Ayon sa pulisya, halos 2,000 na ang nahuhuling nagdadala ng baril sa labas ng tahanan, may lisensya o wala, kasama ang mga sundalo at pulis na wala sa lugar sa pagdadala ng baril.

Siyempre pa, kasama sa mga nahuhuli ang mga gumagawa ng krimen gaya ng pagpatay, pagholdap, pagkarnap at iba pa.

Itong mga kriminal, hindi natin maaasahan na sumunod sa batas dahil nagdadala sila ng baril sa paggawa ng krimen.

Ngunit dapat sanang sumunod ang iba pa at tanggapin na tanging ang mga awtorisado lang ng pamahalaan at Comelec ang pupwedeng magdala ng baril o pampasabog.

PASASALAMAT SA BATAS

Sa kabuuan, nagpapasalamat tayo sa batas sa gun ban sa halalan.

Kung wala ito, marami ang mambababoy sa pagpili natin ng mga tamang lider na mamuno sa ating pamahalaan.

Pagpatay o pananakot gamit ang baril ang pangunahing anyo ng pambababoy dahil ito ang pinakamabisang paraan manalo ang mga pumapatay o nanakot ng mga katunggali.