Home NATIONWIDE Hinihinalang miyembro ng ‘Luffy’ gang arestado sa Makati

Hinihinalang miyembro ng ‘Luffy’ gang arestado sa Makati

MANILA, Philippines – Inaresto ng Bureau of Immigration ang hinihinalang miyembro ng notoryus na “Luffy” gang na iniuugnay sa kabi-kabilang theft at fraud cases sa Japan.

Sa pahayag nitong Sabado, Marso 15, kinilala ng BI ang naarestong suspek na si Natsuki Kimura, isang 33-anyos na Japanese national.

Si Kimura ay naaresto sa Makati City nitong Biyernes sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Board of Commissioners noong Marso 2023.

Ayon sa mga awtoridad, si Kimura ay isa sa ilang mga hinihinalang miyembro ng “Luffy” gang na naaresto sa bansa.

“Like her co-conspirators in the syndicate, she, too, will be deported, blacklisted, and banned from re-entering the Philippines,” pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Sa report ng BI, nagpapanggap na pulis si Kimura at kasabwat nito at pinipilit ang mga biktima na isuko ang kanilang mga ATM card at personal na impormasyon.

Si Kimura ang pinaniniwalaang telephone operator para sa international activities ng Luffy syndicate.

Kasalukuyang naka-ditene si Kimura sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, at naghihintay na lamang ng deportation procedures. RNT/JGC