MANILA, Philippines – KINIKILALA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong Araw ng Paggawa, Mayo 1, ang hirap at sakripisyo ng mga manggagawa at ang mahalagang papel ng mga ito sa paghubog sa lipunan.
Sa mensahe ng Pangulo, ang paggawa ay hindi lamang pag-aangat sa sarili, kundi dakilang ambag sa kasaysayan ng ating bansa.
Sa bawat araw, aniya, na ang manggagawang Pilipino ay kumakayod para sa sarili at pamilya, naroroon ang diwang handog para sa ikabubuti ng higit na nakararami.
Kaya ayon sa Pangulo, nararapat lamang na ang pagdiriwang na ito ay gawing pagkakataon upang bumuo ng mga kongkretong hakbang para matugunan ang mga pangangailangan ng bawat pamilya, matiyak ang kaligtasan sa lugar ng trabaho, at mapangalagaan ang karapatang makamit ang magandang kinabukasan.
“Ang mga patakarang ating ipinatutupad ay dapat sumasalamin sa paninindigang ang tunay na yaman ng bansa ay hindi nasusukat sa kita, kundi sa dangal ng taong nagsusumikap,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Matitiyak aniya ng lahat na ang pamahalaan ay hindi lamang tagapagmasid sa pag-unlad, kundi aktibong katuwang ng sambayanan sa paglikha ng Bagong Pilipinas, kung saan ang lipunan ay patas at makatarungan.
“Alam namin na sa inyo nakasalalay ang kaunlaran ng ating bansa, kaya’t patuloy ang mga proyektong magsusulong sa inyong paglago at kasaganahan,” ani Pangulong Marcos.
“Taimtim ang aming paninindigan na kayo ay hindi pababayaan, bagkus ay higit pang itataguyod—hindi bilang tungkulin lamang, kundi bilang pasasalamat at pagkilala sa inyong tunay na halaga at sakripisyo,” aniya pa rin, sabay pagbati ng “Isang makabuluhan at mapayapang pagdiriwang sa lahat.” Kris Jose