Home OPINION MALASAKIT NI SEC. LAGUESMA SA MGA MANGGAGAWA, MAY HUGOT

MALASAKIT NI SEC. LAGUESMA SA MGA MANGGAGAWA, MAY HUGOT

MATAGUMPAY na idinaos ang taunang World Day for Safety and Health nito lamang nakaraang Lunes sa pangunguna ni labor secretary Bienvenido Laguesma.

Halos hindi mahulugang karayom ang dami ng mga dumalo sa loob ng Ichikawa Hall ng Occupational Safety and Health Center sa Quezon City. Napuno ito ng mga opisyales at staff ng kagawaran, imbitadong safety professionals kabilang ang inyong lingkod at stakeholders.

Kakaiba at napapanahon ang tema ng naturang okasyon na “Revolutionizing Health and Safety: The Role of AI and Digitalization at Work Towards Achieving Zero Accidents.” Malaki nga naman ang kapakinabangan kung mag-a-adapt tayo sa bagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence at digital system upang masiguro na walang maaaksidenteng manggagawa.

Pagkatapos ng opening remarks ni undersecretary Benjo Santos Benavidez, isinagawa ang ceremonial signing ng Revised Implementing Rules and Regulations ng RA 11058 o OSH Law at “Guidelines for the Standard Design and Specifications for Temporary Accommodation and Welfare Facilities for Construction Workers.”

Natutuwa tayo sa mga nangyayaring improvement ng ating mga batas sa occupational safety and health dahil nagkabunga na rin sa wakas ang ilan sa ating isinulat at ipinaglalabang maayos na trato para sa mga construction worker. Hindi pa man natin nababasa ang kabuuan ng mga dokumento, naniniwala tayong malaki ang maiaambag nito hindi lamang para sa kapakanan ng manggagawa kundi gayundin sa interes ng mga negosyante at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Hindi tayo nagkaroon ng pagkakataon na makausap ng masinsinan si Sec. Laguesma dahil abala siya sa okasyon pero naniniwala tayo sa kaniyang “genuine” at “pure intention” sa adhikaing maproteksiyunan at mapagmalasakitan ng husto ang ating mga manggagawa.

Sa katunayan, inihayag niya sa kaniyang keynote message na dati palang nagtrabaho bilang construction worker ang kaniyang ama. Kaya pagkaupong-pagkaupo niya bilang kalihim ng DOLE sa ilalim ni former President Joseph “Erap” Ejercito Estrada ay agaran niyang inaprubahan ang department order No. 13 o Guidelines Governing Occupational Safety and Health in the Construction Industry noong July 23, 1998.

May dumagdag na sa listahan ng mga tinitingala ko sa OSH, Sir Bong Soriano at OSHC Executive Director Engr. Jomar Batino, he-he-he.

Hindi magiging matagumpay ang okasyon kundi dahil sa maayos na kumpas ni Engr. Jomar na nanigurong ligtas, malusog, libre ang entrance, busog at may pabaong t-shirt at souvenirs sa lahat ng dumalo sa okasyon. Sa katunayan, walang sinoman ang hindi dumaan sa isinagawang antigen testing bago makapasok sa hall. May “marites” pa ako sa inyo dear readers, wala ni isang kusing na ipinataw ang OSHC sa mga nagtayo ng kanilang booth sa exhibit area. Ang galing, di’ba?

Kaya para kay Sec. Laguesma, Eng. Batino, sa mga DOLE officer, staff at organizer, MABUHAY!

Happy Labor Day sa inyong lahat!!!