Home OPINION PNP CHIEF DAPAT MAY PERFORMANCE EVALUATION DIN

PNP CHIEF DAPAT MAY PERFORMANCE EVALUATION DIN

SABI ng kolumnista at broadcaster na si Ramon Tulfo sa kanyang social media post, “Kapal naman ng mukha mo, sir!”

Tungkol iyan sa umano’y paghirit ni Philippine National Police chief PGen. Rommel Francisco Marbil para sa kanyang second extension upang manatiling top cop ng bansa.

Si Marbil, miyembro ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991, ay dapat nagretiro noong Pebrero 7, 2025 nang sumapit sa retirement age na 56. Subalit binigyan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng apat na buwang ekstensyon upang patuloy na pamunuan ang Pambansang Pulisya.

Mukhang nasarapan sa pwesto si Marbil kung kaya’t ayon sa reliable source ni Tulfo ay humihirit ng pangalawang pagpapalawig ng kanyang posisyon. Ay, napakasugapa naman sa kapangyarihan.

Sa komento ng netizens, dapat ay makita ni Marbil ang mga komento ng taumbayan kaugnay sa kanyang pamumuno. Marami ang pinagtawanan siya sa kanyang komento kaugnay sa droga na “kaya ginagamit lalo na ng mga guwardiya ay upang manatiling gising.” Ano kamo?

Kung pinagtatawanan ang kanyang pahayag, kinatatakutan naman ang mga pangyayari ngayon sa komunidad kung saan talamak na ang iba’t ibang krimen lalo na ang kidnapping. Sabagay, kapag talaga nalalapit ang halalan, palasak na ang pagdukot sa mga dayuhang may kakayahang magbayad ng ransom.

Pero mas palasak ngayon ang patayan. May ilang kandidato sa halalan ang nagbuwis na rin ng buhay dahil sa pulitika. Gayunpaman, sinasabi ng PNP na “police are on top of the situation.” Pero nasaan? Nasaan ang mga pulis na dapat sana ay 24/7 na nagbabantay sa pamayanan?

Panay-panay nga ang checkpoint ng mga pulis sa kanilang mga nasasakupan, subalit bakit nalulusutan pa rin? Ano ang mal isa prosesong ginagawa ng mga pulis sa kanilang pagtse-check point?

Ibahin natin ang pahayag. Ano naman ang ginagawang hakbang ng PNP para mas palakasin pa ang pagbabantay sa pamayanan?

Maraming krimen na ang naganap sa ilalim ng pamamahala ni PNP chief Marbil. Hindi ba dapat ay mag-isip-isip na rin ang kanyang backer at ang Malacañang kung bibigyan pa siya muli ng ekstensyon? Maraming mas magaling, mas mahusay at mas matino kaysa kay Marbil kaya hindi na dapat pang bigyan siya ng pagkakataon na palawigin pa an g kanyang panunungkulan.

Ang mga pulis ay mayroong performance evaluation. Ito man ay unit, division, district at region. Mayroon ding individual performance evaluation. Sana lang, maging si PNP chief ay sumailalim sa matinding performance evaluation para malaman ng mga tao kung dapat pa o hindi na siyang magpatuloy sa paninilbihan sa pulisya.

Pero para sa marami, pasado o hindi sa PER si Marbil, dapat na nitong lisanin ang kanyang pwesto dahil mas maraming karapat-dapat na pumalit sa kanya.