
OBVIOUS na obvious ang paninira at pagbanat sa negosyong PrimeWater ng pamilya Villar na tila nahahaluan pa ng pulitika matapos na iendorso ni Vice President Sara Duterte ang kandidatura ni Las Piñas Rep. Camille Villar na tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Hindi man aminin ang katotohanan talagang ‘timing na timing’ ang naturang mga lumalabas na batikos sa kompanyang Prime Water lalo na’t nalalapit na ang May 12 elections
HIndi sana halata ang paninira kung walang eleksyon at walang Villar na tumatakbo ngayong darating na halalan.
Hindi naman kasalanan ng Prime Water kung ikampanya ni VP Sara ang kandidatura ni Camille na anak ni dating Senate President Manuel “Manny” Villar, Jr. na siyang pinuno ng kompanya.
Pakatandaan natin na kahit pa hindi tumatakbo noon si Villar na senador ay isa nang lehitimong kompanya ang PrimeWater na nagbibigay serbisyo sa taumbayan upang makapaghatid ng malinis na tubig sa bawat mamamayan na kanyang nasasakupan.
Ang batang Villar naman na tumatakbong senadora ay mayroon na din namang napatunayan na naglilingkod ng tapat sa bawat mamamayang Pilipino habang siya ay nakaluklok bilang kinatawan ng Las Piñas.
Hindi masama na kung magtiwala at magpakita ng suporta ang sinoman sa batang Villar dahil sa nangangahulugan lamang na nakita nila ang potensyal at kakayahang maglingkod ng batang Villar sa bawat mamamayang Pilipino.
At hindi rin tama na pilit winawasak ang isang maayos at lehitimong kompanya ng dahil lamang sa pulitika.
Isipin na lamang natin sino pa ang gaganahang investor kung ganito natin tatratuhin ang isang kompanya na iuugnay sa pulitika.
Hindi ba tayo na masaya na ang namumuhunan sa ating sariling bayan ay kapwa Filipino at hindi dayuhan?
Sana mag-isip isip naman itong mga taong wala na yatang magawa kundi ang pumuna ng mga bagay-bagay na tiyak na wala namang kontribusyong magandang ginawa sa ating bayan.