MANILA, Philippines – Isang magandang senyales para sa Malakanyang ang hirit ni Meralco Chairman at CEO Manny V. Pangilinan na pag- usapan ang may kinalaman sa pagpapabuwag sa system loss charges.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nangangahulugan lamang ito ng bukas si MVP sa diskusyon sa gitna ng desididong pasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumaba ang presyo ng kuryente.
Gayunman, tinuran ni Castro na marami talagang pagdaraanan na pag-aaral at maaaring may maapektuhan sa nasabing kagustuhan ng Pangulo at mabuti na lang aniya na handa ang kinauukulang mga panig na ito ay mapag- usapan.
Sa kabilang dako, nagsisimula na aniyang pag-aralan ng Department of Energy (DoE) ang regulasyon ng ERC, legislations at iba pang polisiya sa harap ng pangunahing objective na maibaba ang electricity rates na binabayaran ng mga consumers.
Sisikapin aniyang may mabuong polisiya hinggil sa target na pagtatanggal ng system loss na hindi magiging pahirap kapwa sa hanay ng ating mga kababayan, mga investors at utility companies. (KRIS JOSE)