MANILA, Philippines — Patay ang isang hinihinalang hitman at ang kanyang kasamahan matapos ang engkuwentro sa pagitan nila at ng pulisya sa lalawigan ng Bukidnon nitong Martes ng umaga, Disyembre 30.
Ayon sa ulat, magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga tauhan ng San Fernando at Valencia City Police laban sa suspek na si “Johnny” nang sila ay paputukan.
Isinagawa ang operasyon sa Purok 1, Barangay Vintar, batay sa arrest warrant na inilabas ng isang korte sa Cagayan de Oro City kaugnay ng kasong murder.
Si Johnny, residente ng bayan ng San Fernando, ay pansamantalang nanunuluyan sa isang kubo malapit sa sementeryo sa naturang barangay.
Matagal na umanong tinutugis ng mga awtoridad ang suspek dahil sa pagkakadawit sa ilang pamamaril sa iba’t ibang bahagi ng Bukidnon.
Ayon kay Lt. Christopher Ibañez, intelligence chief ng Valencia City Police, natunton ang suspek matapos ang serye ng intelligence operations sa lugar.
Dalawang baril na kalibre .45, mga magazine at bala ang narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Sinabi naman ni San Fernando Police chief Capt. Jonel Antique na si Johnny ay may kinakaharap na kabi-kabilang kaso, kabilang ang murder, double frustrated murder at attempted murder sa San Fernando, bukod pa sa hiwalay na pamamaril sa bayan ng Quezon.
Dagdag pa niya, pinaniniwalaang isang hired gunman si Johnny at matagal umanong nakaiwas sa mga operasyon ng pulisya.
Isasailalim sa ballistic examination ang mga nakuhang baril upang matukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa mga naunang insidente ng pamamaril sa lalawigan.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng kasamahan ng suspek. RNT/JGC