MANILA, Philippines – SINABI ni Education Secretary Sonny Angara na ang panukalang 2026 national budget na niratipika ng Kongreso ay dinisenyo para tiyakin na ang government spending ay makapagpo-produce ng ‘clear at measurable gains’ sa pag-aaral ng mga estudyante.
Inilarawan ni Angara ang proseso ng 2026 budget bilang isa sa ‘most transparent’ sa kasaysayan.
Binigyang diin na ang alokasyon ay mahigpit na sinuri upang masiguro na ang pondo ay nakadirekta sa mga programa na direktang makaaapekto sa silid-aralan, mga guro at mga mag-aaral sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
“Isa ito sa pinaka-transparent na budget process sa kasaysayan kaya’t makikita natin talaga kung saan napupunta ang pondo, anong proyekto ang tinatamaan, at ano ang inaasahang maihahatid,” ang sinabi ni Angara.
Binigyang diin ng Kalihim na inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya na siguruhin na masusuring mabuti ang budget para matiyak ang ‘accountability at tangible outcomes’ lalo na kapag napabilis ang education reforms.
“Sa panig ng Pangulo, malinaw ang utos na busisiin ang budget at tiyaking bawat piso ay may malinaw na balik sa pagkatuto ng mga bata, lalo na habang pinapabilis ang mga repormang pang-edukasyon na dapat direktang maramdaman sa loob ng silid-aralan at mga guro,” ayon kay Angara.
Sa panukalang P6.79-trillion national spending program para sa 2026, ang edukasyon ang nananatiling top investment priority ng gobyerno.
Kasalukuyan namang sumasailalim ang General Appropriations Bill sa pinal na pagrerepaso ni Pangulong Marcos bago pa ang inaasahang paglagda sa January 2026.
“The 2026 budget structure reflects a shift toward results-based and transparent spending, with the department aiming to deliver more visible improvements in learning conditions, school facilities, and instructional support in the coming year,” ayon sa DepEd. Kris Jose