
KUNG ikaw ay isang magulang na may anak na edad 15 hanggang 25, kailangan silang masinsinang kausapin tungkol sa isang bagay — hindi lang tungkol sa pakikipagtalik, kundi sa panganib nito, sa kalusugan, at sa matindi at nakatatakot na pinakabagong datos. Kahit pa matino, responsable, at nasa tamang landas ang anak mo, ang demographic na kanilang ginagalawan — ngayon at sa susunod na 10 taon — ay magiging sentro ng lumalalang krisis pangkalusugan.
Sa Quezon City, kung saan ako nakatira, 421 bagong kaso ng HIV ang naitala simula Enero hanggang Mayo ngayong taon — tumaas ng 7.7% kumpara noong 2024. Ang ikatlong bahagi ng nasabing bilang ay binubuo ng mga edad 15 hanggang 24. Apatnapong porsyento ang estudyante. Ito ang kabataan sa ngayon. Ang ating mga anak.
Sa Quezon City, sa kabila ng mga agresibong inisyatibo — libreng pagsusuri, PrEP, ART, klinika sa kada distrito — pahirapan pa rin ang pagpopondo at ang paghimok sa publiko. Kung ito ang nangyayari sa pinaka-proactive na LGU sa bansa, paano pa kaya sa iba?
Sa buong bansa, nakapagtala ang Department of Health ng 57 bagong kaso kada araw noong unang bahagi ng 2025. Pilipinas ngayon ang may pinakamaraming bagong kaso ng HIV sa Western Pacific Region. Ang mga kaso sa kabataan ay sumargo sa 500 porsiyento! Ang pinakabatang pasyente ay isang 12-anyos na taga-Palawan.
Hindi na ito simpleng isolated issue lamang. Isa na itong generational emergency.
Hiniling ng Department of Health sa Marcos administration na ideklara ang HIV bilang isang national public health emergency. Hindi na dapat ipagpatumpik-tumpik pa ang kahilingang ito. Dahil kung hindi magpapatupad ng whole-of-government approach — para sa mas maraming pondo, pagpapakalat ng kaalaman, libre at walang panghuhusgang access sa pag-iwas at gamutan sa sakit — patuloy na walang nalalaman ang mga pamilyang Pilipino tungkol sa epidemyang ito.
Hindi lang simpleng kaalaman tungkol sa sakit ang kailangang maibigay natin sa ating mga anak. Dapat din nating aksiyunan ang problema.
Paglilitis kay Sara
Tigilan na natin ang pagkukunwari na kumplikado ang mga bagay-bagay: dapat nang litisin si Sara Duterte. Kahit para sa mismong mga DDS diehard, isa itong napakagandang oportunidad — isang pagkakataon para malinis ng kanilang bayaning Davaoeña ang kanyang pangalan mula sa mga, ayon sa kanila, ay gawa-gawa at pamumulitika lang na mga alegasyon. Kung inosente siya, hayaan nilang patunayan niya iyon under oath. Hayaan nating malantad ang katotohanan.
Sabi nga ng mga obispong Katoliko, sa pangunguna ni Archbishop Soc Villegas: Ang katotohanan na ipinagpapaliban ay katotohanang ipinagkakait. At tinawag pa nga ang paulit-ulit na delay ng Senado bilang “sinfully wrong.”
Pero tigilan na rin sana ni President Bongbong Marcos ang pagpapaka-neutral niya. Siya mismo ang nagsabi na tatawid ang paglilitis hanggang sa 20th Congress — ngunit nagdedeklara rin siyang labas siya sa usapin, hinahayaan lang ang Senado na gawin ang trabaho nito nang walang balakid.
Gaano nga ba kakumbinyente ang lahat para sa kanya?! Ang VP na lilitisin ay ang mismong pinili niyang running mate, kasama niyang nangampanya, at itinalaga niya sa Department of Education, kung saan nilustay umano ang pondo ng bayan — gaya nang nakasaad sa mga kaso nito. Hindi lang ito simpleng problema sa pamamahala — pagtitiwala ang pinag-uusapan dito, at ang pananahimik ni Marcos sa usaping ito ay maaaring ipagpalagay ng iba, hindi bilang kahinaan, kundi bilang pakikipagsabwatan.
Huwag, Mr. President — hindi ito ang panahon para magpaka-neutral. Ito ang iyong political Frankenstein. Manindigan ka. Kumibo ka. Banggitin mo ito sa iyong State of the Nation Address sa huling bahagi ng susunod na buwan. Umakto ka bilang presidente. Magpakalalaki ka para ilahad ang iyong paninindigan.
(Note: The Senate impeachment court has not yet convened at the time of this writing. What a wait!)
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.