Home OPINION PILIPINO PANALO SA MAAYOS, PATAS NA IMPEACHMENT

PILIPINO PANALO SA MAAYOS, PATAS NA IMPEACHMENT

KAPWA umasa nang “panalo” noong Martes ng gabi ang magkabilang kampo.

‘Yung pro-impeachment, gusto agad ng trial. ‘Yung anti-impeachment, gusto agad ng dismissal. Pero ang totoo? Walang nanalo. Walang natalo.

At hindi ito masama. Sa isang bansang laging hati ang opinyon, kompromiso ang isa sa pinakamahalagang hakbang tungo sa matatag na proseso.

Imbes na i-dismiss agad, o ipilit kahit may sablay, sinabi ng Senado: “Ayusin muna natin. Sundin natin ang tamang proseso.”

Ang mga senador na dating gusto nang i-junk ang complaint, pumayag sa kompromiso. Bakit? Para hindi masira ang kredibilidad ng impeachment court. Para masigurong malinis ang paglilitis kapag nagsimula na sa July 28.

At oo, tuloy pa rin ang trial. May mga ‘fake news’ na dismiss na raw. Ang totoo, walang na-delay. Walang na-cancel. Walang ibinasura. Ang Senate impeachment court ay naka-activate na. Ibig sabihin, isang hakbang na lang at tuloy-tuloy na ito. Hindi ito desisyong tinakasan. Isa itong diskarte para masigurong hindi babagsak ang kaso sa gitna ng laban.

Pero ngayon, nasa kamay na ng Kamara ang bola. Ang tanong: Ano ang gagawin ni Speaker Martin Romualdez?

Bibigyan ba niya ng respeto ang proseso sa pamamagitan ng pag-reaffirm ng complaint? O gagamitin niya ang kalituhan bilang dahilan para umatras?

Kasi malinaw naman na ginawa na ng Senado ang parte nila. Nagbukas ng impeachment court. Ang House of Representatives na lang ang kailangan muling kumilos.

Ang kaso, si Speaker Romualdez ay tila hindi interesado sa integridad ng proseso. Mas abala siya sa pangangalap ng pirma para sa Speakership sa 20th Congress kaysa pagharap sa krisis na ito.