Home HOME BANNER STORY Holiday pay rules sa Eid’l Adha ipinaalala ng DOLE

Holiday pay rules sa Eid’l Adha ipinaalala ng DOLE

MANILA, Philippines – May karapatang tumanggap ng 200 porsiyento ng kanilang suweldo para sa walong oras na trabaho ang mga empleyado ng pribadong sektor na mag-uulat para sa trabaho sa Hunyo 6, isang regular holiday bilang pagdiriwang ng Eid’l Adha (Feast of Sacrifice).

Sa isang advisory nitong Huwebes, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga hindi magre-report para sa trabaho ay may karapatang tumanggap ng buong halaga ng kanilang arawang suweldo, “sa kondisyon na ang empleyado ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence na may suweldo sa araw bago ang regular holiday.”

Ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok sa trabaho sa regular holiday, Hunyo 6, ay may karapatang tumanggap ng 200 porsiyento ng kanilang suweldo para sa walong oras ng trabaho.

Sa mga hindi naman papasok sa trabaho, may karapatan silang matanggap ang buo nilang arawang suweldo, sa kondisyon na ang empleyado ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular na holiday.

Para sa trabahong ginawa lampas sa walong oras, babayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 30 porsiyento ng hourly rate sa nasabing araw (hourly rate ng pangunahing sahod × 200% × 130% × bilang ng oras na nagtrabaho).

Para sa trabahong ginawa sa panahon ng regular na holiday na pumapatak sa araw ng pahinga ng empleyado, babayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 30 porsiyento ng pangunahing sahod na 200 porsiyento (basic wage × 200% × 130%).

Kung ang empleyado ay nagtrabaho nang higit sa walong oras sa panahon ng isang regular na holiday na pumapatak din sa kanyang araw ng pahinga, babayaran siya ng employer ng karagdagang 30 porsiyento ng hourly rate sa nasabing araw (hourly rate ng pangunahing sahod × 200% × 130% × 130% × bilang ng mga oras na nagtrabaho). (Jocelyn Tabangcura-Domenden)