Home Banat By HONTIVEROS, SENADO TINATAMAD SA PAGGAWA NG BATAS VS POGO

HONTIVEROS, SENADO TINATAMAD SA PAGGAWA NG BATAS VS POGO

HINDI kaya tinatamad si Sen. Risa Hontiveros at ilang senador sa paggawa ng batas laban sa Philippine Offshore Gaming Operations at pababayaan na lang ang Executive Order 70 mula sa Palasyo na umiral laban dito?

Ito’y kahit na may mga depekto na nakikita, partikular ni Hontiveros, sa EO 70.

Ayon kay Hontiveros, may mga nasisilip siyang malalaking depekto sa EO 70 gaya nang hindi pagsakop nito sa mga casino sa ligal na pwedeng mag-operate mismo ng POGO.

Hindi rin umano malinaw kung sakop o hindi ng EO 70 ang mga pasugalan o POGO sa mga economic zone na may sariling batas o kaya’y inilipat na sa pangangalaga ng gobyerno.

Ang isa pang punto, paano itong sinasabi mismo ni Hontiveros na may matataas na opisyal ng gobyerno ngayon na nagpapayo sa mga POGO na magpalit lang sila ng anyo bilang Business Process Outsourcing at ayos na ang buto-buto?

Ayon kay Hontiveros, magsisilbing babala ang pagbubunyag nito sa ganitong gawain ng mga nasa Palasyo at dapat na umanong tumigil ang mga ito.

Pahayag naman ni Solicitor General Menardo Guevarra, lahat ng POGO, iligal man o ligal gaya ng mga hawak ng gobyerno, ay dapat na magsara sa katapusan ng taong ito.

Pero kung susuriin ang pahayag ni Hontiveros na kaiba sa sinasabi ni Guevarra, aba, may hindi magandang nangyayari.

Isa sa pinakaimportanteng bagay ang paglambot ni Hontiveros at kawalan ng imik ng mga senador na gumawa ng isang panukalang batas para ituwid ang lahat, maging ang EO 70.

Nasaan ang “investigation in aid of legislation” kung pababayaan lang na isailalim ang lahat sa EO na may mga depekto laban sa POGO?

Ano rin ang nangyayari na tila hindi magsasagawa si Hontiveros ng imbestigasyon ukol sa napag-alaman nitong pagkakasangkot ng ilang taga-Palasyo sa maniobra sa POGO samantalang mabangis siya sa bawat ‘issue’ na pwedeng ikonek sa mga Duterte kahit na walang patutunguhan?