TALAGANG walang “pinatatawad” ang ‘fake news,’ mga kabayan, dahil kahit si House Quadcomm overall chairman, Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte at kapatid na si Gov. Robert Lyndon Barbers, ay “pinagpyestahan” ng mga walang magawa sa buhay at idinawit sa nakumpiskang shabu sa Liloan Port, Southern Leyte, nitong Nobyembre 8.
Nakita ang tinatayang 57-kilong shabu na nagkakahalaga nang higit P388-milyon sa loob ng isang inabandonang SUV nang dumaong ang sinakyang barko mula sa Surigao City. Bago ito, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency- Caraga na sa isang operasyon sa Surigao City kasama ang Philippine National Police, tatlong drug suspects na may dalang mga shabu, ang kanilang nasakote.
Hindi naman nilinaw ng PDEA kung magkaugnay ang tatlong suspek sa inabandonang sasakyan sa Liloan Port.
Ang “nilinaw” ng PNP? Na walang kaugnayan si Cong. Ace at Gov. Lyndon sa tatlong nahuling suspek sa Surigao City at nabawing shabu sa Leyte, batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon. Anang PDEA, “fake news” yan, mga kababayan!
Sabagay, sadyang kalokohan na “pasok” sa ‘illegal drug trade’ si Cong. Ace na chairman din ng House Committee on Dangerous Drugs.
Kamakailan, iniulat na ‘life sentence’ ang hatol ng Manila RTC kay Mark Taguba dahil sa importasyon ng shabu na higit P6.4 bilyon noong 2017.
Nang “pumutok” ang isyung ito, si Cong. Ace ang nanguna sa Kongreso sa pag-iimbestiga kaya masasabing malaki ang kanyang ginampanang papel kaya naipanalo ang kasong ito.
Sumunod na taon, 2018, Komite rin niya ang nag-imbestiga sa P11-bilyon na shabu smuggling na itinago ng mga nagpalusot nito sa mga ‘magnetic lifters’ at kung saan naghihimas ngayon ng rehas na bakal itong si BOC agent, Jimmy Guban sa kasong drug trafficking.
Sabagay nga, “amoy-eleksyon”na kasi kaya dapat pa bang ipagtaka na kahit matitinong opisyal na katulad ni Cong. Ace ay atakihin at siraan?
Abangan!