Home NATIONWIDE House probe sa Panay power outage itinakda sa Enero 11

House probe sa Panay power outage itinakda sa Enero 11

MANILA, Philippines – Itinakda ng House Committee on Energy ang isang congressional inquiry sa Enero 11 kaugnay sa malawakang power outage na tumama sa Panay island.

Ibinahagi ni Iloilo City Representative Julienne “Jam-Jam” Baronda, na naunang nanawagan ng pagdinig, ang naturang abiso sa committee hearing sa kanyang Facebook page.

Maliban kay Baronda, hiniling din nina Representatives Raul “Boboy” Tupas, Michael Gorriceta, Francisco “Kiko” Benitez, Lorenz Defensor, James “Jojo” Ang, Jr., Dan Fernandez, Raoul Danniel Manuel, Arlene Brosas, at France Castro ang pagdinig kaugnay sa massive power outage.

Sa Senado, tatlong senador na ang nagpahayag ng intensyon na maghain ng resolusyon para sa parallel inquiry kaugnay ng naturang isyu.

Matatandaan na ngayong linggo ay nasapul ng malawakang pagkawala ng kuryente ang Panay Island dahil sa pagpalya ng mga power plant sa isla.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), namonitor umano nila ang pag-trip ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) Unit 1 bandang 12:06 ng hapon ng Martes, Enero 2, dahil sa “internal issue.”

Sumunod na pumalya ang PEDC Unit 2, Palm Concepcion Power Corporation (PCPC), at iba pang mga planta bandang 2:19 ng hapon.

Naunang sinabi ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ang power shortage ay dulot ng unplanned outages ng Panay sub-grid. RNT/JGC