MANILA, Philippines – Binawasan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang target ng pamahalaan sa pagtatayo ng mga housing unit kada taon.
Ang mabagal na population growth ang nagtulak sa departamento na bawasan ang target na pagtatayo ng apat na milyong low-cost homes pagsapit ng 2028 sa 3.2 million units, sinabi ni DHSUD Secretary Jerry Acuzar at Undersecretary Avelino Tolentino III sa presentasyon ng ahensya sa panukalang P6.4 bilyong badyet para sa 2025.
“Initially, we started with the target na parang one million [houses] per year. And then, now, we have an ongoing updating of the housing needs study. Lumalabas roon na bumaba iyong growth ng population natin so iyong projected housing needs, bumaba po,” sinabi ni Tolentino sa harap ng mga mambabatas.
“So now, we are targeting up to 3.2 million [until 2028], pero mataas po kasi yung guarantee and subsidy requirements niya. That number is still being crunched also to determine alin ang kayang i-guarantee at ilan ang kayang subsidize,” dagdag pa ni Tolentino na tumutukoy sa sovereign guarantee sa mga contractor at ang bahagi ng bawat halaga ng housing unit ay magbibigay ng subsidiya ang pamahalaan.
Para kay Acuzar, umaasa umano siya na mananatili sa 3.2 milyong housing units ang target ng pamahalaan sa susunod na apat na taon.
“’Yung [initial na] 1.2 million [housing units], madi-deliver yun. Naka-pipeline na yun, eh. ‘Yung another 2 million na pinag-uusapan namin…kapag iyong [sovereign] guarantee ay tumuloy-tuloy, baka ituloy na yun ng administration. Pag natuloy po iyong two million, ang magiging target po ay 3.2 million [in the next four years],” ani Acuzar.
“Kaya po ngayon, pinag-aaralan po namin, dapat matapos na namin ang aming pag-aaral, kasi dapat mag-umpisa na kaming tumanggap ng mga proposal at contractors for the projects,” dagdag pa niya.
Noong Hunyo, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na handa ang pamahalaan sa pagbibigay ng P10 bilyon kada taon na subsidiya para sa housing program ng pamahalaan.
Ang housing program ng pamahalaan na tinawag na Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program o 4PH, ay may 20 location sites sa buong bansa sa kasalukuyan.
Nasa P1.6 hanggang P1.8 milyon ang unit price para sa mga housing units na ito. RNT/JGC