MANILA, Philippines – Maraming dahilan si Vice President Sara Duterte kung bakit siya nagbitiw sa pwesto bilang education secretary at umalis sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam, sinabi ni Duterte na mayroon ding iba’t ibang kategorya para rito.
“Mahaba talaga yung listahan ng mga rason at iba-iba pa siya sa kategorya merong personal sa aming dalawa lang, merong DepEd, merong budget at merong sa bayan din,” ani Duterte.
“Medyo mahaba yung listahan and sa ngayon hindi pa ako handang umupo para isa-isahin yun. Pero sasabihin ko sa inyo pag-ready na ako,” dagdag pa.
Kasama sa mga rasong ito ay kung paano umano hinahawakan ang national budget.
“Kung basahin mo yung GAA at i-trace mo kung saan pumupunta ang pera makikita mo na hindi maayos yung paghandle ng pera ng budget ng gobyerno. So isa yan sa ano yung mga rason,” anang Bise Presidente.
“Sinubukan kong itama yung nakita kong mali, pero siyempre wala akong nakuhang suporta? At wala akong nakitang pagbabago,” dagdag niya.
“Kaya sabi ko hindi siya mauulit sa akin sa budget ng 2025, hindi ko na kaya na ako pa ang hawak ng dept of education budget at uulitin lang yung ginawa dati,” pagpapatuloy ni Duterte. RNT/JGC