Home HOME BANNER STORY Hustisya, sigaw ng pamilya ng biktima sa Tacloban school shooting

Hustisya, sigaw ng pamilya ng biktima sa Tacloban school shooting

1
0

MANILA, Philippines – Hustisya ang hinihingi ng pamilya ng isa sa mga estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Sinabi ni Christopher Fabian, ama ng 15-anyos na si Chris Lorenz Fabian, nananatiling mabigat ang dinaranas ng kanilang pamilya isang araw matapos ang insidente.

“Napakasakit pa rin, hanggang ngayon po blangko pa rin kami. Pero ayaw po namin po ng tulong, gusto po namin justice po. ‘Yun po ‘yung pinaka-gusto namin, justice,” ani Fabian sa panayam sa isang ulat.

Kabilang si Chris, isang Grade 10 student at Boy Scout, sa tatlong nasawi sa pamamaril. Tinawag siyang bayani matapos kumalat ang video na nagpapakitang pinipigilan niyang makapasok ang salarin sa isang silid-aralan.

Kinilala ng Philippine National Police ang mga suspek na sina “Rod,” isang 15-anyos na Grade 9 student, at “Nash,” isang 14-anyos na Grade 10 student.

Bagama’t exempted sa criminal liability ang mga batang 15 taong gulang pababa sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, iginiit ni Fabian na may dapat managot sa nangyari.

“Halimbawa kung hindi man sila mapanagutan, ‘yung magulang na lang. Kasi saan ba makakakuha ng baril yan kung hindi tinuruan?” aniya.

Naniniwala rin si Fabian na pinagplanuhan ang pag-atake dahil tila bihasa umano sa paggamit ng baril ang mga suspek.

“Para bang pinaghandaan na po… Opo ‘yung ginawa po nila na, nakaready na po kasi nakalagay na Monday, Monday na, ‘yun na po ‘yon na may gagawin na po sila,” dagdag niya.

Ayon sa PNP, maaaring sumailalim sa regular na paglilitis ang 15-anyos na suspek kung mapatutunayan ng Department of Social Welfare and Development na kumilos ito nang may discernment. Samantala, ilalagay naman sa isang DSWD child protection facility ang 14-anyos na suspek.

Sinabi ng mga awtoridad na isa sa mga ginamit na armas sa pamamaril ay isang 9mm Glock pistol na nakatalaga sa isang babaeng opisyal ng Police Regional Office 8 na tiyahin ng isa sa mga suspek. Ang isa pang armas na .38 caliber revolver ay natunton sa isang security agency sa Cebu City. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here