MANILA, Philippines – Iniutos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pansamantalang pagbabawal sa mobile game na GoreBox kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.
Ayon kay CICC Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, isinagawa ang hakbang matapos lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na isa sa mga Grade 9 student na sangkot sa insidente sa San Jose National High School ay masugid na manlalaro ng naturang laro.
“We are blocking Gorebox temporarily as a precautionary measure pending the investigation. Within the day, expect the app to be blocked,” ani Paraiso.
Ang GoreBox ay isang sandbox-style game na nagpapahintulot sa mga manlalaro na gumamit ng iba’t ibang armas at naglalaman ng mga graphic na eksena ng karahasan.
Sinabi ni Paraiso na makikipagtulungan ang CICC sa Council for the Welfare of Children (CWC) at sa Threat Monitoring Center (TMC) upang paigtingin ang pagbabantay sa mga aktibidad sa GoreBox at iba pang kahalintulad na online platforms.
“We cannot ignore possible online influences that may have contributed to this tragic incident. Temporarily blocking the game will allow authorities to conduct a thorough assessment and determine whether the platform played any role in the actions of the suspects,” aniya.
Hinimok din niya ang publiko na ireport ang mga kaso ng cyberbullying at iba pang online threats sa pamamagitan ng CICC Hotline 1326 o email ng ahensya.
Nauna nang sinabi ng administrasyong Marcos na bukas ito sa mga panukalang batas na magreregula sa pag-access ng mga menor de edad sa mararahas na online content. Dave Baluyot