Home OPINION HUWAG BAGUHIN ‘16’

HUWAG BAGUHIN ‘16’

1
0

MAY isang bagay na hindi dapat ginagalaw sa impeachment trial – ang rules ng laro habang hindi pabor ang resulta.

Sa ilalim ng Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution, malinaw ang requirement nito na kailangan ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado para mahatulan ang isang impeachable officer. Dalawampu’t apat ang senador. Ibig sabihin, 16 na boto.

Hindi 16 kapag kumpleto ang attendance. Hindi 14 kapag may absent. Hindi 13 kapag may nakakulong. Labing-anim.

Kaya ang usapang pagbaba ng voting threshold dahil apat na senador ang hindi nakikilahok sa paglilitis ay hindi simpleng mathematical adjustment. May mabigat itong epekto sa mismong proseso ng impeachment.

Mas lalong nakakainsulto sa sentido komun kung ang pagbabago ay itutulak dahil malinaw na hindi makuha ang 16 na boto para ma-convict si VP Sara Duterte.

May dalawang senador na nakakulong. May isang senador na hinahanap dahil sa warrant mula sa International Criminal Court. May isa namang nagpapagamot sa ibang bansa. Sa ganitong sitwasyon, ang political arithmetic ay nagiging napakasensitibong usapin.

Hindi maaaring ang pagkawala ng ilang senador sa proceedings ay gawing dahilan para lumiit ang bilang na itinakda mismo ng Konstitusyon.

Kung malakas ang kaso laban kay Sara, ilatag ang ebidensiya. Kung kapani-paniwala ang mga alegasyon, kumbinsihin ang mga senator-judge. Kung sapat ang suporta, kunin ang 16.

Hindi trabaho ng Senado na gawing mas mababa ang hagdan dahil hindi maabot ang itinakdang baitang.

Ang impeachment ay constitutional proceeding, hindi paligsahan kung saan binabago ang scoring system kapag alanganin ang resulta.

Kapag hindi kayang manalo sa 16, huwag galawin ang 16. Igalang ang Konstitusyon kahit hindi pabor ang boto.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here