CONGRATS kay retired Col. Reynaldo ‘Rey’ Medina sa muling pag-akyat sa entablado para sa isa na namang pagkilala sa kanyang marubdob na pangalan.
si Medina ay pinarangalan sa 39th Gintong Parangal Awards Night – proyektong magkatuwang na isinasagawa kada-taon ng organisasyong KASAMA Inc., at pamahalaang Lungsod ng Malabon.
Nahirang itong ‘Huwaran ng Malabon’ in the field of peace in order services’ na ginanap noong Sabado (Nov. 23) na dinaluhan ng city officials at piling mga panauhin.
Ang naturang pagkilala ay dagdag sa hindi na mabilang na karangalan na tinanggap ni Medina sa mahigit tatlong (3) dekada sa loob at labas ng Pambansang Pulisya.
Mid-80s, neophyte reporter ako ng Journal Group of Publications Inc., at baguhang pulis din si Medina nang una kaming magkita sa noon ay Quezon City Police.
Bilang imbestigador at sekreta (ang tawag noon sa detective o operatiba), saksi ang inyong lingkod sa malalaki’t sensational cases na naresolba ng “Mamang Pulis” na ito.
Ang mga natanggap ni Medina na iba’t ibang pagkilala at parangal ay patunay na ‘blockbuster’ ang iginagawad na serbisyo bilang maaasahang lingkod ng bayan.
Kabilang ang “Philippine Outstanding Policeman in Service (COPS) Award” noong 2003; Dangal ng Caloocan Award, 2004; Parangal ng Bayan, 2014; Metrobank ACES Award; at 114th PNP Police Service Award, 2015.
Bilang hepe ng Station Investigation and Detective Management Bureau ng Malabon City Police, siya ay ginawaran ng maraming medalya at papuri para sa matatanging kontribusyon sa mabilis na paglutas ng iba’t ibang kaso.
Matapos magretiro sa pulisya, ipinagpatuloy ni Medina ang kanyang dedikasyon sa pampublikong serbisyo sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon.
Noong Hulyo 1, 2022, siya ay itinalagang hepe ng Public Safety and Traffic Management Office, Mayor’s Complaint and Action Team at sumunod bilang head ng Civil Security Unit.
Sa ilalim ng pamumuno ay matagumpay na naihatid ng PSTMO, MCAT at CSU ang dekalidad na serbisyo-publiko, partikular sa panahon ng mga sakuna tulad ng bagyo at pagbaha na nakaapekto sa buong lungsod.
Ang hindi natitinag na dedikasyon, kasipagan at kahusayan ni Medina ay nagbibigay dangal ‘di lang sa sarili kundi sa Pamahalaang Lungsod ng Malabon.
Siya ay isang uliran at huwaran na nagsisilbing inspirasyon sa tunay na diwa nang ‘di matatawarang pampublikong paglilingkod.
Kudos at mabuhay ka kaibigan!