Home OPINION ICI BUWAGIN NA LANG

ICI BUWAGIN NA LANG

254
0

LUMALABAS ang tila kawalan ng kwenta ngayon ng Independent Commission for Infrastructure o ICI kumpara sa Senate Blue Ribbon Committee o SBRC.

Bagama’t totoong magkaiba ang pakay ng dalawang ahensya, malayo sa inaasahan ng mga mamamayan ang nagaganap sa parte ng ICI kumpara sa nagaganap sa SBRC.

Ang ICI, nag-iimbestiga para sa pagsasampa o hindi ng mga kaso hindi lang kaugnay ng mga maiskandalong flood control projects samantalang ang SBRC, para sa pagbubuo ng mga kaukulang batas.

Pero ang pangunahing pagkakaiba ng ICI at SBRC para sa taumbayan ay ang pagiging sarado sa publiko sa mga ginagawa nito habang bukas na bukas sa publiko ang SBRC.

Sa ICI, puro sikreto ang ginagawa nito at hindi maiiwasang magkaroon ng mga paniniwala na mayroon itong itinatago o pinapaboran habang wala sa SBRC.

Kitang-kita naman ngayon ang pagkakaibang ito sa nagaganap sa pagpapatuloy ng SBRC sa imbestigasyon nito magsimula kahapon.

Kung ano ang mga pinag-uusapang mga anomalya at mga sangkot, malinaw na nalalaman ng taumbayan.

Sa dulo ng lahat, pareho ang ICI at SBRC na pupwedeng magrekomenda ng mga kasong administratibo, sibil at kriminal sa mga kaukulang ahensya gaya ng Department of Justice o DOJ at Office of the Ombudsman o OMB.

Kung ganito ang magiging katapusan ng mga ginagawa ng ICI at SBRC, hindi maiwasan ang katanungan kung may silbi talaga ang ICI o wala.

Para naman sa taumbayan, higit na walang silbi ito kaysa kapaki-pakinabang.

Magpapasan lang ang gobyerno at mamamayan ng milyon-milyong pisong gastusin mula sa buwis ng huli sa pagpapasahod sa mga bumubuo ng ICI at kanilang mga tauhan at pagbibigay sa kanila ng mga gamit na kanilang mga kailangan.

Madodoble lang din lahat ang trabaho dahil matapos na magrekomenda ng aksyon o kaso ng ICI, muling mag-iimbestiga ang DOJ o OMB.

Mabuti pang buwagin na lang ang ICI.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here