MANILA, Philippines – Dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan Complex para sa pagpapatuloy ng ika-11 pagdinig ng House Quad Committee (QuadComm).
Alas 9:57 ng umaga dumating si Duterte kasama sina Atty. Salvador Panelo at dating Labor secretary Silvestre Bello III.
Unang inihayag ng QuadComm na kanselado ang pagdinig upang bigyang daan ang beripikasyon sa mga testigo ng komite subalit alas 2:56 ng Miyerkules ng hapon ay kinumpirma ni House Secretary Reginald Velasco na itutuloy ang pagdinig matapos makumpirma na dadalo si Duterte.
Sinabi ni Panelo na tinawagan sya ni Duterte para samahan sya sa hearing.
“Former President Duterte called me, and he asked me to come with him here in the House of Representatives. Dahil kinukulit siya at kinakantiyawan siya, para matigil na iyong mga haka-haka, akusasyon, eh andito na siya,” paliwanag ni Panelo.
Samantala, sa kanyang opening statement umapela ni House Committee on Human Rights Chairman Manila Rep. Benny Abante kay Duterte na iwasan ang pagmumura at kung patuloy pa rin itong gagawin ng dating Pangulo ay maari syang mapatawan ng parusa sa paglabag sa rules ng Kamara.