MANILA, Philippines – Ibinasura ng Commission on Elections ang ikalawang disqualification case na inihain laban kay senatorial candidate at ACT-CIS Representative Erwin Tulfo.
Sa kopya ng desisyon ng Comelec First Division, nakasaad na nabigo ang petitioner na magsumite ng kopya ng petisyon sa respondent.
Nangangahulugang hindi nito nasunod ang mandatory requirement na nagresulta sa pagbaasura sa petisyon.
Ang petisyon ay inihain noong nakaraang buwan na layong ipa-diskwalipika si Tulfo dahil sa moral turpitude matapos itong ma-convict sa apat na counts ng libel noong 2009.
Kinukwestyon din ang kanyang citizenship, kwalipikasyon, at ang pagbabawal sa political dynasty sa ilalim ng batas.
Una nang ibinasura ng poll body ang petisyon na inihain din ng kaparehong indibidwal na humihiling naman na i-disqualify ang iba pang mga Tulfo na tumatakbo sa halalan sa Mayo. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)