Home OPINION ILAN BA KAYONG BOTANTE RITO?

ILAN BA KAYONG BOTANTE RITO?

NAGSIMULA na ang mga pagtitiyaga at pagsisikap para makabili o makaakit ng boto sa mga botante ang mga kandidato at mga tauhan nila.

Kung dati-rati, mga sitio o purok leader o kamag-anak ng mga politiko sa mga barangay ang nagbabahay-bahay para mamigay ng ayuda kapalit ng boto, ngayon mismong mga kapitan, kagawad at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan na ang kumikilos.

Ito’y dahil sa kasali na ang mga kapitan, at kagawad at Sangguninang Kabataan sa mga halalan at hindi na sila bawal na katulad noon.

Pinayagan sila ng Supreme Court na lumahok sa eleksyon dahil halal sila ng bayan at ipinatupad ito ng Commission on Elections simula sa halalang ito.

ILANG TANONG LANG

Kwento ng ating Uzi, simple lang naman ang mga tanong ng mga namimigay ng ayuda pero todo sikreto dahil house-to-house, gabi man o araw.

Ilan kayo lahat?

Matapos kang sumagot ng 2 o 5 o 10, tinitingnan nila ang kanilang dala-dalang papel at kung tama ang sagot, sakto rin ang bigay ng ayuda.

May namimigay ng P1,000 para sa bawat botante, may P2,000, may hulugan at saka na lang kompleto ‘pag nanalo ang kanilang mga kandidato.

Karaniwang mga sinasabi lang na iboto ang mga mayor o gobernador at kinakalimutan ang mga bokal, konsehal, kongresman at senador.

Kanino naman tayo, boss, kamag-anak, atbp?

Kay mayor, gob, kong —- ganito — tayo.

Nagtatanong ang mga binibigyan ng ayuda kung kaninong politiko may konek ang mga ayuda kung biglang nagbago ng minamanok ng namimigay.

Bunga na rin ito ng mga madalas bumalimbing sa kung magkanong dahilan.

Pero meron ding mga magkaka-vibes noon na magkakakontra-partido na ngayon.

MALAS AT SWERTE

Ayon pa sa ating Uzi, malas lang ang mga bayan o distrito o lalawigan na walang kalaban ang mga kandidatong vice mayor, mayor, kongreman at vice governor at governor.

Hindi na kailangan ang mga kandidatong ito na magbigay ng ayuda kundi kumuha lang ng iilang watcher.

Ang mga botante ang nagsasabing malas sila dahil hindi sila magkakaayuda.

Pero swerte naman umano ang mga may magkakalaban para sa vice mayor, mayor, kongresman, vice governor at governor dahil tiyak umanong may mamimigay ng ayuda.

Ang malalaking magkakalaban karaniwan ang napapansing nagbubuhos ng salapi para makabili ng boto.

Kung nasa P2,000 ang bigayan at walang daya, aba, magkano ang matatanggap ng limang miyembro ng pamilyang botante mula sa edad 18 hanggang sa mga senior citizen?

NAPAKONG PANGAKO

Sa loob ng tatlong taon, dahil nasairan ang mga kandidato sa pamimigay ng ayuda na “one-time, big time”, makaaasa pa ba ang mga nagpabiling botante ng magandang serbisyo habang nakaupo ang ibinoto nila?

At maging sa mga natalo.

Silang nagbenta ng boto, huwag na lang silang umasa ng magandang serbisyo o pagtupad ng magagandang pangako.

Ang problema, mga Bro, nadadamay pati ang mga hindi nagbenta ng boto.

Kailan kaya tayo lalaya sa bulok na sistema ng halalan na nagbubunga rin ng malalang korapsyon o pandarambong ng mga halal na opisyal?