MANILA, Philippines – Karamihan ng baha sa ilang bahagi ng Metro Manila ay humupa na pagsapit ng madaling araw ng Linggo matapos ang malakas na ulan dulot ng Habagat noong Sabado, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA Flood Control and Sewerage Management Office Director Mark Navarro, halos wala nang namomonitor na baha at kaunti na rin ang naitalang ulan.
“So far, ngayong umaga, wala na tayong halos baha na namo-monitor. Halos wala na ring ulan na na-record…So mabilis rin namang humuhupa kaya wala tayong namo-monitor at nare-report na mga baha,” ayon kay MMDA flood control and sewerage management office director Mark Navarro.
Sinabi rin ni Navarro na ang huling naiulat na baha ay sa Caloocan, ngunit humupa na rin ito. Halos wala na rin umanong baha sa Fairview.
“Ang huli ko pong natanggap na report ay doon sa Caloocan, mayroon tayo doon. Pero lahat ‘yun nag-subside na rin naman. Tapos kahit doon sa Fairview nitong mga huli, wala na po halos,” dagdag pa niya.
Samantala, nakaranas din ng baha sa Meycauayan, Valenzuela at San Simon exits ng North Luzon Expressway (NLEX). Gayunman, nananatiling madaanan ang mga lane dahil sa tuloy-tuloy na pumping operations.
“Tuloy-tuloy ‘yung mga pumping na ginagawa namin, bagamat mataas ‘yung tubig sa magkabilang tabi ng expressway, so nahihirapan tayo. Tuloy-tuloy lang ‘yung pag-pumping,” saad ni NLEX AVP for Traffic Operations Robin Ignacio.
Sinabi naman ng MMDA na patuloy ang pag-upgrade sa 73 pumping stations nito upang mas mapalakas ang kakayahan sa pagsipsip ng tubig.
“Tuloy-tuloy naman po ‘yung pag-upgrade natin. ‘Yung present po natin, tataasan po ‘yung ating paghigop ng mga pumps…Naka-linya na po lahat ng mga idagdag na pump ngayon,” ani Navarro.
Samantala, ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang Habagat na magdala ng ulan sa Luzon ngayong Linggo, partikular sa Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Benguet, Bataan, Zambales, Tarlac at Pampanga. RNT/MDS