TACLOBAN CITY – Ilang lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas ang nagsuspinde ng klase nitong Miyerkules matapos maramdaman sa Leyte at Samar ang magnitude 6.9 na lindol mula Cebu.
Sa Biliran, ipinag-utos ni Governor Rogelio Espina ang suspensyon ng klase sa elementarya at sekondarya habang sinusuri muna ng mga engineer ang kaligtasan ng mga paaralan. Suspendido rin ang klase sa Calubian, Leyte, Tabango, Catbalogan City, Jiabong, at Macrohon, pati na sa Samar Colleges at Southern Leyte State University.
Samantala, ilang bahagi ng Eastern Visayas ang nakaranas ng power outage matapos mag-trip ang ilang linya at planta ng kuryente dahil sa lindol.
Nagdeklara ang National Grid Corporation of the Philippines ng yellow alert sa Visayas grid mula 1 p.m. hanggang hatinggabi matapos mawalan ng 1,444.1 MW na suplay bunsod ng pagka-offline ng 27 power plants. RNT