Home OPINION ILIGAL NA DROGA PA RIN ANG DAPAT SISIHIN

ILIGAL NA DROGA PA RIN ANG DAPAT SISIHIN

NABUNYAG na ngayon ang katotohanan sa likod ng pagkakabaril at pagkamatay ng isang 14-anyos na babae sa Talisay, Cebu. Taliwas sa paunang report na biglaang pinasok sa bahay ang dalagita, ang nangyari ay isa palang aksidenteng nauwi sa trahedya, nangyari sa loob ng kanilang tahanan at tumapos sa kanyang buhay.

Noong nakaraang linggo, nilinaw ng Philippine National Police na biktima ang dalagita ng aksidenteng pagputok ng isang baril. Ang armas ay pag-aari ng kanyang kapatid na lalaki, na dati nang nasangkot sa iligal na droga.

Bagamat hindi ito itinuturing na sinasadyang karahasan, ang pagkamatay ng dalagita ay nananatiling dulot ng kapabayaan, dahil aksidenteng nabitiwan ng kapatid ang baril, na pumutok at tumama sa dalagita at kanyang ikinasawi. Nang mangyari ito, walang kamalay-malay ang biktima na noon ay abalang nag-aaral at kinukumpleto ang kanyang mga assignments sa eskuwela.

Totoong nakapanlulumo, ang insidenteng ito ay hindi lamang nagbigay-diin sa epekto ng iresponsableng pagmamay-ari ng baril kundi nagsisiwalat din sa hindi tumitigil na paggamit ng iligal na droga sa mga komunidad. Ang katotohanan na ang kapatid ng dalagita ay dating sangkot sa mga aktibidad na may kinalaman sa droga ay nagdadagdag ng isa pang trahedya sa sitwasyon, ipinamumukha sa atin ang mapaminsalang impluwensiya ng iligal na droga sa mga indibiduwal at sa mga pamilya.

Hindi gagawin ng Firing Line na magsabi ng kamalian tungkol sa giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon na nagsawalang-bahala sa karapatang pantao sa paraang nakapanghihilakbot. Pero kasunod ng mahusay na imbestigasyon sa paglalantad ng katotohanan sa likod ng trahedyang ito, panahon na bang kuwestiyunin ng pulisya sa Cebu ang estratehiya nito sa pagpapatupad ng batas laban sa bentahan ng iligal na droga?

Sa kabila ng mga pagpupursige ng mga awtoridad, ang mga kasong tulad nito ay nagpapaalala sa mga hamon sa pagsawata sa mga problema sa komunidad na gaya ng nangyari. Ang pagkumpirma ng PNP sa mga kasong isinampa laban sa kapatid na lalaki at sa iba pang miyembro ng pamilya, gaya ng obstruction of justice at reckless imprudence resulting in homicide, ay nagpapahiwatig na mayroong papanagutin. Gayunman, binibigyang-diin din ang pangangailangan ng ibayong pag-iingat at mga hakbangin upang maiwasang maulit muli ang ganitong trahedya.

                               *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).