Home METRO ‘Illegal recruiter’ ng mahigit 1,000 aplikante, arestado sa Pampanga

‘Illegal recruiter’ ng mahigit 1,000 aplikante, arestado sa Pampanga

5
0

MANILA, Philippines — Arestado ng Quezon City Police District ang 40-anyos na lalaking umano’y nangako ng trabaho sa Europa sa mahigit 1,000 aplikante kapalit ng placement fee na umaabot sa PHP300,000.

Dinakip ang suspek noong Lunes ng gabi sa inuupahan nitong bahay sa Mexico, Pampanga, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong syndicated illegal recruitment.

“Upon verification, na-confirm natin na yung tao nga ay nandoon. But, hindi nahuhuli because gumagamit po siya ng ibang identity. Ibang pangalan yung ginagamit niya, talagang mailap ito,” sinabi ni PLtCol. Geoffrey Lyndon Lim, commander ng Project 4 Police Station.

Ayon sa imbestigasyon, nagsimula umano ang recruitment noong 2023, kung kailan inalok ang mga aplikante ng trabaho bilang magsasaka, hotel keeper at factory worker sa mga bansang gaya ng Poland at Hungary.

Lumawak umano ang operasyon noong 2024 at siningil ang mga aplikante ng placement fee na mula PHP80,000 hanggang PHP300,000.

“Ang modus nitong suspek, kinakausap niya, siya yung nagpo-front na isang agent or isang empleyado ng isang agency. Pinapangakuan niya yung mga tao na makakapagbigay siya ng trabaho, may opening sila. Itong mga biktima, sa kagustuhan nilang makaalis agad at makapunta sa ibang bansa, ang style niya, kaunting slot na lang yung natitira. Para ma-prioritize kayo you have to give certain amount,” ani Lim.

Umabot sa dalawang taon ang paghihintay ng ilang aplikante ngunit hindi sila nakaalis ng bansa. Nang hilingin nilang maibalik ang kanilang ibinayad, puro pangako umano ang natanggap nila hanggang sa magsampa sila ng kaso.

“Ilang beses sila naka-attempt makipag-usap para maibalik lang sa kanila yung kanilang mga naibayad pero puro pangako at hindi naibalik hanggang sa humantong na sa pagpa-file ng kaso,” sabi ni Lim.

Lumabas din sa beripikasyon ng pulisya na may mahigit 20 naunang kaso ang suspek, kabilang ang rape, estafa at paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act.

“Yes, ako’y sangkot sa napakaraming kaso ng illegal recruitment at ako’y nagpapasalamat dahil ako’y nahuli dahil gusto ko talagang harapin ito para sa mga aplikante at para malaman ang katotohanan,” sabi ng suspek.

“Ang mensahe ko sa kanila is you will get your justice and we will know the truth in the court. We are an employee, I guess it’s very obvious we don’t have the capacity to recover the financial inside the company,” dagdag niya.

Ayon sa pulisya, tuluyang kinansela noong Enero 2026 ang lisensya ng recruitment agency dahil sa mga reklamo.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga aplikanteng nais magtrabaho sa ibang bansa na beripikahin muna sa mga ahensya ng pamahalaan ang lehitimidad ng recruitment agency at huwag agad magbigay ng pera.

“I-confirm po natin sa government agency like Department of Migrant Workers, OWWA, mache-check naman po natin kung legit ang agency na ito. Pangalawa po, huwag po tayo agad maglalabas ng pera,” ani Lim.

Nasa kustodiya na ng QCPD Project 4 Police Station ang suspek para sa kaukulang prosesong legal. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here