Home NATIONWIDE Presyo ng langis muli na namang sumirit sa gitna ng Middle East...

Presyo ng langis muli na namang sumirit sa gitna ng Middle East war

1
0

MANILA, Philippines – Sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado nitong Miyerkules matapos magsagawa ng panibagong pag-atake ang United States at Iran, dahilan upang lumampas sa $95 kada bariles ang benchmark Brent North Sea crude sa unang pagkakataon sa halos anim na linggo.

Nabawi kalaunan ang ilan sa mga pagtaas ngunit nagtapos pa rin nang halos tatlong porsiyentong mas mataas ang crude futures. Umakyat ng 3.4 porsiyento ang Brent sa $94.07 kada bariles, habang tumaas ng 3 porsiyento ang West Texas Intermediate sa $86.83.

“The military actions have been renewed at an extraordinary high,” sinabi ni John Kilduff ng Again Capital. “And the rhetoric is as hot as it’s been since the beginning of the war.”

Nagbanta si US President Donald Trump na bobombahin ang isang tulay o planta ng kuryente sa Iran sa bawat pag-atake sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.

Sinabi naman ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na gaganti ang Tehran sa anumang pag-atake sa kanilang imprastraktura, kasabay ng pahayag sa X na, “our defense doctrine is clear: eye for an eye.”

Lalong tumaas ang tensyon malapit sa Red Sea matapos ianunsyo ng mga rebeldeng Houthi ang pagharang sa mga pantalan ng Saudi Arabia. Batay sa maritime data na sinuri ng Agence France-Presse, hindi bababa sa siyam na barko ang umatras sa pagtawid sa Bab al-Mandab Strait.

Ayon sa maritime data firm na Kpler, tatlo sa mga barko ang nagkarga ng langis sa Yanbu terminal ng Saudi Arabia, isang mahalagang ruta na ginagamit ng Riyadh upang makaiwas sa Strait of Hormuz.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis, bahagya lamang ang naging pagkalugi sa US stock market. Bumaba ng 0.1 porsiyento ang S&P 500 at 0.6 porsiyento ang technology-heavy Nasdaq Composite, habang halos hindi gumalaw ang Dow Jones Industrial Average.

Tinukoy ni CFRA Research senior vice president Arun Sundaram ang panibagong banta ni Trump na magpatupad ng taripa, pagtaas ng US bond yields at pangamba sa kakayahan ng China sa artificial intelligence bilang bahagi ng “growing list of headwinds.”

“The market has refused to flinch, like a boxer absorbing punch after punch while refusing to go down,” ani Sundaram.

Nanatiling mahina ang technology stocks, kabilang ang Amazon, Meta at Microsoft, habang hinihintay ng mga mamumuhunan ang kanilang earnings reports at mga update sa demand na may kaugnayan sa artificial intelligence.

Ang kamakailang “pullback in chip stocks following a storming run earlier this year has left investors hungry for an update on AI-related demand and to see if all the big investments into tech infrastructure are paying off,” sinabi ni AJ Bell investment director Russ Mould.

Nakatakdang ilabas ng Google parent company na Alphabet ang financial results nito, na susundan ng Intel, Microsoft, Meta at iba pang technology firms.

Umakyat naman ang European markets sa kabila ng paglakas ng presyo ng langis. Tumaas ng 1.2 porsiyento ang FTSE 100 ng London, 0.9 porsiyento ang CAC 40 ng Paris at 0.6 porsiyento ang DAX ng Frankfurt.

Hati ang naging galaw ng mga pangunahing merkado sa Asia habang hinihintay ng mga investor ang earnings reports ng malalaking technology companies. Bumaba ng 0.2 porsiyento ang Nikkei 225 ng Tokyo at 1 porsiyento ang Hang Seng Index ng Hong Kong, habang bahagyang umakyat ng 0.1 porsiyento ang Composite Index ng Shanghai.

Lumakas ang euro sa $1.1411, habang bumaba ang British pound sa $1.3372. Bahagya ring humina ang dolyar sa 163.15 yen. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here